top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 8, 2021




Dalawampu’t dalawa sa 25 kaso ng naitalang infected ng bagong B.1.1.7 variant ng COVID-19 ang nakarekober na sa nasabing sakit, ayon sa Department of Health (DOH).


Sinabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire na isa sa mga tinamaan ng bagong variant ang namatay habang nananatiling aktibo ang dalawang kaso nito.


Matatandaang nai-report ng DOH na isang 84-anyos na lalaki ang namatay dahil sa bagong variant ng coronavirus na mula sa La Trinidad, Benguet, subalit wala itong history na bumiyahe sa ibang bansa at hindi nagkaroon ng contact sa sinumang nagkaroon ng COVID-19.


“Nu’ng kausap namin ‘yung regional office namin, they said that this person never went out. Seldom. Pero hindi talaga, nandu’n lang daw sa loob ng bahay, walang ibang contact, so tinitingnan natin kung ano ‘yung source of infection at ano ‘yung ibang circumstances,” sabi ni Vergeire sa briefing ngayong Lunes.


Ang 15-anyos na babae namang kamag-anak ng namatay sa bagong variant ay infected na rin ng UK variant ng COVID-19.


Unang nadiskubre sa United Kingdom ang B.1.1.7 variant ng COVID-19, kung saan na-detect din sa mga residente sa Bontoc, Mountain Province at ilang umuwing overseas Filipinos.


Ayon kay Vergeire, inaasahan ng Philippine Genome Center na makakapag-sequence sila ng 720 samples ngayong linggo para ma-detect ang ibang kaso ng UK variant.


Noong nakaraang linggo, naantala ang ginagawang genome sequencing dahil sa kakulangan ng kailangang reagents. Gayunman, ayon sa DOH, naresolbahan na ang isyu dahil nai-deliver na ang mga bagong supplies nito.

 
 

ni Lolet Abania | January 25, 2021




Tinatayang nasa 38 na nakasalamuha ng 13 infected ng UK variant ng coronavirus ang nagpositibo sa test sa COVID-19, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes.


Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, sa 12 COVID-19 cases na nasa Bontoc, Mountain Province, 34 na naging close contacts ng mga ito ay nagpositibo sa test sa COVID-19. “Iyong isang taga-Bontoc, he tested negative [for COVID-19] upon arrival last December 13. December 14 nakauwi siya sa kanila.


Noong December 25, nagkaroon sila ng pagdiriwang dahil Pasko. Tapos December 26, they had a ritual as part of their beliefs. December 29 na siya nagkaroon ng sintomas,” sabi ni Vergeire.


Sinabi rin ni Vergeire na natukoy na ang 144 na naging close contacts at 116 sa mga ito ang nakapagpa-test para sa COVID-19. Dagdag pa rito, ang COVID-19 patient na mula sa La Trinidad, Benguet na infected din ng UK variant ng coronavirus ay nahawahan ang apat na iba pang miyembro ng kanyang pamilya.


Gayunman, limang barangay sa Bontoc ang kasalukuyang naka-lockdown at sumailalim na sa mahigpit na quarantine dahil sa panganib ng bagong coronavirus variant. Binanggit naman ni Bontoc Mayor Franklin Odsey na ang limang barangay na ito ay Tocucan, Bontoc Ili, Caluttit, Poblacion, at Samoki.


Matatandaang sinabi ni Vergeire na ang UK variant ng COVID-19 ay mas nakakahawa subali't hindi severe ang nagiging epekto nito.


Gayundin, nilinaw ng isang infectious disease expert ang tungkol sa bagong variant ng coronavirus na sinasabing mas nakamamatay. Aniya, ang mga data na lumabas ay patuloy pa nilang sinusuri at pinag-aaralan.


Ayon kay Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng UP National Institutes of Health, wala pang ebidensiyang nagsasabi na ang B.1.1.7 variant ay mas nakamamatay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page