top of page
Search

ni Twincle Esquierdo | December 2, 2020




Nasagip ng Philippine Coast Guard ang dalawang mangingisda sa Ternate, Cavite nitong Martes. Kinilala ang mga mangingisda na sina Jayson Bolante, 32, at Jay Alab, 30, residente ng naturang lugar.


Papalubog na ang bangkang sinasakyan ng dalawa matapos hampasin ng malalaking alon sa halos 300 metrong layo nila mula sa baybayin ng Caylabne.


Nagkataon namang nagpapatrulya kontra dynamite fishing ang Philippine Coast Guard gamit ang speedboat nang madaanan nila ang dalawa at agad na tinulungan.


Ayon kay Lt. Michael John Enrica, commander ng Philippine Coast Guard Cavite, masyadong maliit ang bangkang ginamit ng mga mangingisda at hindi kinaya ang alon ng dagat. Nakauwi naman nang ligtas ang dalawa at walang natamong sugat.

 
 

ni Twincle Esquierdo | December 2, 2020




Naglunsad ng libreng sakay ang Pasay City sa isang ruta ng electric jeep o e-jeep simula ngayong Miyerkules dahil isa ito sa mga programa na kabilang sa paggunita ng ika-157th founding anniversary ng lungsod o Pasay Day.


Ayon kay Pasay Mayor Emi Calixto Rubiano, dahil sa partnership ng LGU at Global Electric Transport, maaaring sumakay ang mga residente sa e-jeepney mula Mall of Asia (MOA) hanggang SM Manila nang walang bayad.


Malaking bagay na ito sa mga pasahero dahil limitado pa rin ang mga pampublikong transportasyon.


Ipatutupad din ang mga health protocol sa pamamagitan ng pagbabawas ng pasahero dahil sa 30 na pasahero bawat e-jeep, 15 lang ang pasasakayin.


Kailangan ding magsuot ng face mask at face shield kapag sasakay sa nasabing sasakyan at tatagal ang kanilang programa hanggang sa buwan ng Disyembre.


Kasama rin sa programa sa nasabing lungsod ang Pasayahin 2020 Night Market sa Roxas Boulevard Service Road na may mga online activities.


Kung nais ding mapanood ang kanilang Christmas lighting event at fireworks display sa Pasay City Hall, magpunta lamang sa kanilang Facebook page.

 
 

ni Twincle Esquierdo | November 29, 2020




Pumanaw na sa edad 51 si April Boy Regino. Ito ay kinumpirma sa Facebook post ng kanyang kapatid na si Vingo Regino.


Aniya, "Nakakalungkot naman ang araw na ito..wala na ang kuya April Boy ko..."


Na-diagnose ang singer na may prostate cancer noong 2009 at nanatili sa United States at noong 2013, inanunsiyo niyang gumaling na siya sa sakit na ito.


Samantala, ibinahagi niya noong 2015 na nakararanas siya ng diabetic retinopathy kung saan maaaring maging sanhi ng pagkawala ng paningin at pagkabulag.


Sa isang pahayag noong 2016, sinabi niya na ang kanyang kaliwang mata ay tuluyan nang nabulag habang ang kanang mata ay nakakaaninag na lamang ng mga ilaw. Kaya, naging limitado na lamang ang kanyang mga kilos.


Ilan sa mga sumikat na kanta ni April Boy ay ang 'Di Ko Kayang Tanggapin at Paano ang Puso Ko.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page