top of page
Search

ni Twincle Esquierdo | December 9, 2020




Timbog ang dalawang lalaki at isang babae matapos makapkapan ng daan-daang libong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Lipa City, Batangas nitong Lunes.


Kinilala ang mga suspek na sina alyas Pakpak, Doc AI at Thalia. Nakuha sa kanila ang siyam na sachets ng shabu na mahigit 100 gramo na nagkakahalaga ng P700,000 at .9mm na baril mula kay Pakpak.


Ayon sa Lipa City Police, dati nang nahuli sina Pakpak at Thalia dahil sa ilegal na droga noong 2016 at nakalaya noong 2018 mula sa tulong ng plea bargaining. Nahaharap naman sa kasong Comprehensive Dangerous Drug Act ang tatlo.

 
 

ni Twincle Esquierdo | December 9, 2020




Naaresto ang isa sa mga suspek sa pananaksak sa 18-anyos na panadero sa Valenzuela City matapos ang mahigit isang linggo.


Sinita ang 38-anyos na lalaking hindi na binanggit ang pangalan dahil sa hindi pagsusuot ng face mask sa Sta. Cruz, Maynila.


Matapos kapkapan, nakuha sa kanya ang bladed weapon at napag-alaman sa imbestigasyon na pinaghahanap siya sa isang murder case.


Nangyari ang krimen noong Nobyembre 28 at kinilala ang biktima na si Vinz Toling na isang panadero.


Ayon sa inaresto, dalawang araw pa lang siya sa trabaho nang makainuman ang biktima kasama ang isa pa nilang katrabaho na hindi binanggit ang pangalan.


Nagkasagutan ang dalawa niyang katrabaho dahil sa hindi pagkakaunawaan, at dito na nag-umpisa ang gulo. Unang kumuha ng kutsilyo ang biktima ngunit naunahan siyang hampasin ng kanyang nakaalitan at du'n pinagsasaksak.


Umawat umano ang naaresto ngunit hindi niya nahawakan ang dalawang katrabaho.


Matapos ang krimen ay binigyan siya ng suspek ng P800 para makalayo kaya napilitan umano siyang magtago.


Ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, commander ng Sta. Cruz Police, kaduda-duda ang hindi pagre-report ng lalaki sa nangyaring krimen at maging ang pagtatago niya sa Tondo.


Pinasusuko na rin siya ng kapatid dahil nakatatanggap sila ng pagbabanta mula sa pamilya ng biktima.


Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek sa pagpatay.

 
 

ni Twincle Esquierdo | December 6, 2020




Inilunsad na ng Pasig City government ang paggamit ng PasigPass QR code kapag pupunta o mamamalengke sa Pasig Mega Market.


Kailangan nilang ipakita ang kanilang QR code mula sa kanilang mobile phone at magsuot ng face mask at face shield bago makapasok sa nasabing lugar.


Sinimulang ilunsad ng Pasig local government unit ang PasigPass contact tracing apps noong Oktubre bilang isa sa mga hakbang upang mapigilan ang pagdami ng mga naaapektuhan ng Covid-19.


Bukod pa rito, mabilis na makapagsasagawa ng contact tracing ang Pasig Health Monitoring office kapag nalaman nilang may nagpositibo gamit ang apps na ito.


Maaari lamang mag-register sa apps na ito ang mga nasa edad 18-anyos pataas at nakapag-register na ang 699,938 na indibidwal at 1,754 establisimyento.

Una nang tiniyak ni Pasig City Mayor Vico Sotto na ang data na nakalap sa apps ay ligtas.


Samantala, pumirma ang mga LGUs ng Pasig at Valenzuela ng isang kasunduan na tatanggapin nila ang QR code ng bawat isa upang mabilis na makapagsagawa ng contact tracing.


"Maraming taga-Valenzuela ang nagtatrabaho sa Pasig lalo na sa Ortigas Center. Natuklasan ko rin na may mga companies sa Pasig na nagde-deliver sa factories ng Valenzuela para sa packaging needs nila. Simula Monday, tatanggapin na ang Valtrace QR code sa Pasig. At tatanggapin na ang Pasig Pass QR code sa Valenzuela. (No new scanners needed)...at least now 1 QR code na lang ang kailangan para sa 2 cities. Salamat Pasig at Mayor Vico Sotto," sabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page