top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 29, 2021




Isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Tuguegarao City simula sa March 30 hanggang April 8 dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19, ayon sa information office ng naturang lungsod ngayong Lunes.


Sa Facebook post, saad ng Tuguegarao City Information Office, “Tuguegarao City, muling isasailalim sa ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE o ECQ sa loob ng sampung araw simula 12:01 AM of March 30 hanggang 12:00 midnight of April 8, 2021.


“Ang pagsasailalim sa mas mataas na quarantine status ay base sa rekomendasyon ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao na inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF). Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.”


Samantala, ngayong araw ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 10,016 karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa at sa kabuuang bilang ay umabot na sa 731,894 cases.


 
 

ni Thea Janica Teh | November 24, 2020




Isasailalim ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 test ang lahat ng residenteng dinala sa evacuation center sa Tuguegarao City matapos ang pananalanta ng Bagyong Ulysses, ayon kay Mayor Jefferson Soriano.


Nakapagtala na ng 477 kaso ng COVID-19 sa probinsiya simula noong Marso at mayroon na lamang 118 aktibong kaso.


Ayon kay Soriano, uunahin sa test ang 3,500 residenteng nakararanas ng ilang sintomas. Sinabi rin nito na 3 araw gagawin ang test at mauuna na umano siyang sumailalim upang mahikayat pa ang ilang residente.


Tatlong beses nang isinailalim sa lockdown ang probinsiya matapos makapagtala ng community transmission.


Samantala, nasa 5 evacuees na ang kumpirmadong positibo sa virus sa evacuation center sa Marikina City na lubha ring naapektuhan ng Bagyong Ulysses.


Sa ngayon, may 420,614 kabuuang kaso na ng COVID-19 sa bansa, 386,604 dito ang gumaling at 8,173 ang namatay. Mayroon na lamang 25,837 aktibong kaso sa kasalukuyan.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 16, 2020




Nagsalita na si Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano ngayong Lunes tungkol sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Batangas kasama ang pamilya habang hinahagupit ng Bagyong Ulysses ang kanilang lugar.


Ayon kay Soriano, sakto lamang ang kanyang dating sa probinsiya upang magsagawa ng rescue operation.


Aniya, "Ang protocol po ru'n, kung under storm signal, ‘di po kami aalis. Sinunod ko po ang protocol ng local government code na magpaalam ka kung aalis ka and everything."


Dagdag pa nito, noong na-monitor nito na tumataas na ang tubig sa Bunton Bridge na kanilang pinaka-barometer, nagpasya na itong umuwi noong Nobyembre 12.


Ngunit, hindi ito makauwi dahil baha sa NLEX at sa iba pang madaraanan, kaya naman nakauwi lamang siya nu'ng Biyernes nang umaga.


"I left Manila nu'ng November 13 nang umaga, alas-tres (ng madaling-araw). I reached Tuguegarao in the afternoon in time for rescue kasi 'yun na ang kasagsagan ng flooding dito sa Tuguegarao. Humihingi ako ng dispensa sa problema na 'yun," kuwento ni Soriano.


Sa ngayon ay kinakailangan ng mga residente ng Tuguegarao ng malinis na maiinom at makakain. Tinatayang nasa 34,000 pamilya o 118,000 indibidwal ang naapektuhan ng mabilisang pagbaha.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page