top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | November 7, 2021



Hinuli ang isang Amerikano matapos nitong magbiro na may lamang bomba ang kaniyang mga bagahe sa Tuguegarao City Airport sa Cagayan.


Kinilala ang suspek na si George Adrien Favarielle, taga-New Jersey, USA, na nag-"bomb joke" sa nasabing airport.


Tsinek ng mga tauhan ng Cebu Pacific Airlines ang bag ni Favarielle, at nalamang wala itong bomba.


Matapos nito, agad na dinala sa himpilan ng Tuguegarao City PNP ang dayuhan.


Paliwanag ni Favarielle, bomb joke lamang ang kaniyang sinabi.


Kasama ng dayuhan ang kanyang asawa nang mangyari ang insidente. Nanggaling daw sila sa bayan ng Gonzaga matapos dumalo sa kaarawan ng ina ng asawa ni Favarielle at nakatakdang bumalik sa Amerika noong araw na maganap ang insidente.


Nakalaya ang suspek matapos magpiyansa ng P30,000.


Nagbabala naman si Police Major Junvie Velasco, hepe ng Tuguegarao City Police Airport, na paglabag sa Anti-Bomb Joke Law ang ginawa ng dayuhan, at hindi ito maaaring gawin ng kahit na sino sa mga paliparan o kahit saang pampublikong lugar.

 
 

ni Lolet Abania | August 14, 2021



Nasa 67 healthcare workers ang nagpositibo sa test sa COVID-19 habang isa ang naitalang tinamaan ng Delta variant sa Tuguegarao City sa Cagayan.


Sa Laging Handa briefing ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ngayong Sabado, sinabi nitong sa 77 frontliners, 67 healthcare workers ang nagpositibo sa swab test sa virus at karamihan sa kanila ay asymptomatic at symptomatic mild cases lamang.


“We have a Delta variant case as of the other night as confirmed to me by the DOH [Department of Health]. But I am sure it is not only one, because the patient was with other members in their household that tested positive,” ani Soriano. “But I’m almost sure, we have more than one Delta variant in Tuguegarao City,” dagdag niya.


Ayon kay Soriano, ang isang kaso ng Delta variant ay nakarekober na habang patuloy ang contact tracing sa mga naging close contacts ng pasyente. Sinabi rin ng mayor na mayroong 773 active COVID-19 cases ang Tuguegarao at nasa 63 ang bagong kaso na nai-record nitong Biyernes.


“We have an occurring problem regarding our healthcare utilization rate, as well as the staff who will monitor our isolation units. Hospitals and isolation units are in full capacity,” saad ni Soriano.


Umapela naman si Soriano sa national government para sa nakalaang cash aid sa 22,790 pamilyang apektado sa Tuguegarao City dahil sa enhanced community quarantine (ECQ), kung saan isinailalim ang lugar sa pinakamahigpit na restriksiyon mula Agosto 12 hanggang 21.


Gayunman, ayon kay Soriano, mahigit sa 30,000 indibidwal sa kabuuang 75,000 na naka-register sa vaccination program ng siyudad ang nabakunahan na. “In the A1 [healthcare workers] category, 78% were vaccinated. In A2 [senior citizens] we had a difficulty, only 61% of the more than 20,000 senior citizens were vaccinated. In the A3 category [persons with comorbidity], we have 95% vaccinated. We are already at A4 [frontline personnel in essential sectors] with 27%,” ani Soriano.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 29, 2021




Isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Tuguegarao City simula sa March 30 hanggang April 8 dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19, ayon sa information office ng naturang lungsod ngayong Lunes.


Sa Facebook post, saad ng Tuguegarao City Information Office, “Tuguegarao City, muling isasailalim sa ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE o ECQ sa loob ng sampung araw simula 12:01 AM of March 30 hanggang 12:00 midnight of April 8, 2021.


“Ang pagsasailalim sa mas mataas na quarantine status ay base sa rekomendasyon ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao na inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF). Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.”


Samantala, ngayong araw ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 10,016 karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa at sa kabuuang bilang ay umabot na sa 731,894 cases.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page