top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 7, 2021



Mahigit 200 pasahero ang stranded sa Matnog Port sa Sorsogon nitong Lunes, matapos suspendehin ng Philippine Coast Guard ang mga biyahe papuntang Visayas at Mindanao dahil sa bagyong Jolina, ayon sa opisyal ng Philippine Ports Authority.


Bandang ala-1 ng hapon nang ilikas sa evacuation center ng pamahalaang lokal ang mga pasahero at sasakyan, ayon kay Achilles Galindes, acting division manager ng PPA terminal management office sa Matnog.


"Hindi rin kasi ligtas ang pantalan 'pag ganitong may sama ng panahon kaya kailangan silang ilikas. Kanina sa meeting with LGU, nag-pledge sila to provide food. Nag-serve rin kami ng snacks kanina," ani Galindes.


Kabilang sa mga naantala ang 89 trucks, 22 light cars at 222 na pasahero.


Maibabalik lamang daw sa normal ang biyahe kapag inalis na ang tropical cyclone wind signal sa lalawigan maging sa Visayas area.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 18, 2021



Nananatili ang lakas ng Bagyong Bising sa pagbaybay nito sa Philippine Sea, ayon sa PAGASA ngayong Linggo nang umaga.


Sa 11 AM weather bulletin, ayon sa PAGASA, kumikilos ang Bagyong Bising pa-hilagang-kanluran sa Philippine Sea, silangan ng Bicol region. May posibilidad umanong bumagal ang kilos nito at pumunta sa hilagang bahagi ngayong gabi o sa Lunes nang umaga.


Saad pa ng PAGASA, “The typhoon will then continue moving northward until Tuesday (20 April) morning before turning north northwestward while over the Philippine Sea east of Cagayan Valley.”


Ang hanging taglay ng bagyo ay may lakas na 215 km/h malapit sa sentro nito na may bugsong umaabot sa 265 km/h.


Ayon sa latest severe weather bulletin ng PAGASA, nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 2 sa Catanduanes, Northern Samar, Eastern Samar, at Samar.


Nasa ilalim naman ng TCWS No. 1 ang eastern portion ng Camarines Norte (San Lorenzo Ruiz, San Vicente, Vinzons, Talisay, Daet, Mercedes, Basud), Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate kabilang na ang Burias at Ticao Islands, Biliran, Leyte, Southern Leyte, northern portion ng Cebu (Tabogon, Borbon, San Remigio, Bogo City, Medellin, Daanbantayan) kabilang ang Bantayan at Camotes Islands, Dinagat Islands, Siargao Island at Bucas Grande Islands.


Samantala, ngayong Linggo, bandang alas-10 nang umaga, namataan ang sentro ng Bagyong Bising sa 375 km silangan ng Juban, Sorsogon o 345 km east ng Virac, Catanduanes.


Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at landslides sa mga apektadong lugar dahil sa bagyo.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 17, 2021




Itinaas sa blue alert status ang Catanduanes at kasalukuyan na ring naghahanda ang ilang lokal na pamahalaan sa Bicol region sa pagdating ng bagyong Bising, ayon kay Governor Joseph Cua ngayong araw, Abril 17.


Aniya, “As soon as mag-declare na ng red alert level, magkakaroon tayo ng forced evacuation.”


Ikinabahala ni Cua ang magiging epekto ng bagyong Bising sa kanilang lugar, sapagkat aniya’y hindi pa sila nakakabangon mula sa Bagyong Rolly noong nakaraang taon.


Sabi pa niya, “Ito na naman ang Bising na mukhang delikado sa laki ng diametro nito. Kahit ang gitna nito, tumama sa dagat, abot pa rin ang buong Bicol region nito kaya nakakatakot po dahil sa laki ng diametro. At 'yung expected rains na dala nito, 600 to 900 millimeters kaya medyo 'yun pa rin ang nangangamba tayo, dahil nga at 240 millimeters na ulan, 24 hours n’yan, nagla-landslide na tayo. Ito, 600 to 900 mm kaya talagang nakakatakot.”


Kabilang ang Catanduanes sa mga lugar na nasa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1.


Samantala, dalawang dam naman sa bayan ng Palapag sa Northern Samar ang nagbawas ng tubig bilang paghahanda sa parating na bagyo.


Nagpalabas na rin ng kautusan ang ilang lokal na pamahalaan para pansamantalang ipagbawal ang pagpapalaot ng mga mangingisda. Ipinagbawal din ang pagbibiyahe sa dagat upang maiwasan ang disgrasya.


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan si Bising dakong alas-10 kaninang umaga, na may layong 645 kilometers sa silangan ng Maasin City, Southern Leyte.


May taglay itong hangin na 185 kilometers per hour na malapit sa sentro at may pagbugso na hanggang 230 kph. Ito ay kasalukuyang kumikilos papuntang northwestward sa bilis na 20 kph.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page