ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 30, 2021
Aalisin na ang entry ban sa Pilipinas para sa mga banyaga maliban sa mga galing sa India at sa mga may travel history sa naturang bansa, ayon sa Malacañang ngayong Biyernes.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpasok ng mga foreign nationals sa bansa simula sa May 1.
Sa ilalim ng Resolution No. 113, nakasaad ang mga kondisyon sa pagpapapasok ng mga banyaga sa bansa at ito ay ang mga sumusunod:
Una, dapat ay mayroon silang valid at existing visa sa oras ng pagpasok sa bansa maliban sa mga nasa ilalim ng Balikbayan Program. Kailangan ding may “pre-booked accommodation for at least seven nights in an accredited quarantine hotel/facility.”
Kailangan ding sumailalim ng mga dayuhan sa COVID-19 testing sa quarantine hotel/facility sa ikaanim na araw ng pagdating sa bansa.
Samantala, noong Marso 22, nagpatupad ng travel restrictions sa Pilipinas sa mga banyaga dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19. Nilinaw naman ng Palasyo na mananatili ang travel ban sa mga galing sa India.
Saad ni Roque, “All passengers coming from India or those with travel history to India within the last 14 days preceding arrival shall not be allowed to enter the Philippines starting April 29, 2021 until May 14, 2021.
“The Commissioner of Immigration shall have the exclusive prerogative to decide on the waiver or recall of exclusion orders of foreign nationals.”