ni Mary Gutierrez Almirañez | April 28, 2021
Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na maglabas ng guidelines hinggil sa ‘automatic travel ban’ na ipinatutupad ng bansa sa mga biyaherong galing India dahil sa lumalaganap na kaso ng COVID-19.
Aniya, “Kesa mangolekta tayo ng COVID-19 variants, dapat matagal nang naglatag ng protocols at guidelines ang IATF sa pag-impose ng mga automatic travel ban base sa mga findings ng ibang bansa na available naman sa publiko.”
Dagdag pa niya, “Laging napakabagal kundi last minute ang desisyon. Kaya lahat na ng COVID variants sa mundo ay kumakalat na rito sa Pilipinas. 'Wag naman tayong maging welcoming committee ng bagong variants.”
Kaugnay ito sa pagbabawal ng ‘Pinas na makapasok sa bansa ang mga biyaherong galing India, buhat nang maitala sa nasabing bansa ang 350,000 na nagpositibo sa COVID-19 sa loob lamang ng isang araw, kung saan maging ang Indian variant ay laganap na rin sa halos 17 na bansa.
“Walang kalaban-kalaban ang mga bata sa double-mutation na ito, ni hindi sila puwedeng mabakunahan. May mga taong nakahiga na sa daan sa labas ng ospital. Are these not concerning to the Health Secretary? Hihintayin pa ba natin matulad sa India?” dagdag ni Hontiveros.
Sabi pa niya, “We should have learned from the very first COVID-19 cases of 2020, who were all travelers from China, that travel bans make all the difference. As long as COVID-19 is around, we have to remain vigilant and act fast.”
Samantala, maging ang mga Pinoy galing India ay pinagbabawalan na ring makapasok sa bansa, ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag pa ni Vergeire, “Napagdesisyunan that even our fellow Filipinos, hindi muna natin papapasukin for this temporary period. This is just so that we can be able to ensure na ma-guard natin ‘yung borders natin.”
Sa ngayon ay lumagpas na sa isang milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 71,675 ang active cases mula sa 7,204 na nagpositibo kahapon.