ni Ricky Rivera - @Pasada | January 30, 2022
As usual, dagsaan sa mga bus terminals papuntang probinsiya noong Disyembre.
Libu-libo ang stranded sa Northern, Central at Southern Luzon dahil marami ang demand, kulang naman sa provincial buses. Kaya’t nagtanong ang Pasada sa mga kinauukulan.
Ayon sa Department of Transportation and Railways at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kakaunti umano ang nag-file ng special permit to operate sa mga bus firms. Kaya, kakaunting bus lamang ang nakabiyahe.
Ang siste — libu-libo ang nabiktima ng mga colorum na kumukuha ng pamasahe na lima hanggang pitong ulit na mas mataas kaysa sa regular bus fare.
Paging PNP at LTFRB — bakit hindi ninyo hinuhuli ang collorum? Hindi ba’t kaayusan ang gusto natin sa transportasyon? Bulag ba o inutil? Kayo ang humusga, mga readers. Kaawa-awa ang mga komyuter.
Tinatayang kada holiday season 200,000 commuters ang bumibiyahe pabalik ng probinsiya kada araw. Sa sampung araw, lampas isang milyong Pilipino ang umuuwi sa probinsiya, hindi pa kasama siguro riyan ang mga balikbayan at overseas Filipino workers na nakabakasyon din.
Eh, sabi ng mga bus operators, paano naman sila mag-a-apply ng special permits, eh, hindi ba mayroon na silang prangkisa? Para saan ‘yung permit? Hindi ba, extra layer ito na ipinagbabawal mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte?
Bago makakuha ng special permit, kinakailangan munang sumang-ayon na gamitin ang NLEX bus terminal sa Bocaue, Bulacan. Maganda ang ideya na magkaroon ng terminal, pero suited ba ito sa mga komyuter?
Isipin mo, dagdag-pasahe ng P100 pada komyuter. ‘Di basta-basta ang layo ng terminal.
Kaawa-awa tiyak ang matatanda, bata, buntis, persons with disabilities, at pasaherong may bitbit na marami at malalaking bagahe. ‘Yung lilipatang city buses ay walang pasilidad para sa bitbitin o cargo. Paano ngayon ‘yan?
Ayaw ni Pangulong Duterte na maningil ng dagdag-pamasahe sa mga komyuter. Hindi nga nagtaas ang bus fare, binawi naman sa fare sa city buses papasok ng Metro Manila. Pahirap!
At dahil tumaas na naman ang COVID-19 infections, isipin n’yo kung ano’ng mangyayari kapag siksikan sa iisang lugar, tulad ng NLEX bus terminal? You get what I mean.
Kung ikaw din ang bus operator, okay ba sa iyong gumastos ng P100,000 kada bus unit as parking fee? O, magbayad ng entry at exit fee na P400 kada bus? Nalugi na nga dahil sa pandemic ang mga kompanya ng bus, para ninyo namang tatarakan sa leeg ang mga ito at tuluyang makitang lugi. Ang biktima? Libu-libong transport workers ang mawawalan ng trabaho.
Kung tayo sa DOTR, huwag munang pagamitin ang terminal at status quo muna — meaning, sa kani-kanilang terminals muna magsakay at magbaba ang mga buses. Sa mga terminals, sapat ang pasilidad para sa mga komyuter. Sinusunod din ang health protocols. May nabalitaan ba kayong outbreak kahit isa sa mga bus terminals? Hindi ba wala? Patunay ‘yan na nakikipag-cooperate ang mga provincial bus firms sa pamahalaan.
Para sa mga tanong o komento, mag-email ang sa rickyrivera@pasadacc.com