ni Lolet Abania | March 1, 2022
Ipinagbabawal sa mga jeep at bus ang mga nakatayo at nakasabit na pasahero sa ilalim ng Alert Level 1, habang pinapayagan lamang ang mga ito para sa full seating capacity, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa isang interview ngayong Martes kay MMDA officer-in-charge at General Manager Romando Artes, tinalakay na nila ang isyung ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Hindi papayagan ‘yung tayuan dahil ang nakalagay po sa guidelines ng IATF ay full seating capacity, meaning ‘yung kapasidad lang po ng sasakyan kung saan ang pasahero ay nakaupo. ‘Yun lamang po ‘yung papayagan except po sa MRT... sa capacity ‘yung nakatayo kasi kung makikita niyo ang MRT naman po, LRT, designed po na kaunti lang ang nakaupo at mas maraming nakatayo. Except po doon, sa mga buses at jeepneys po, full seating capacity lang,” paliwanag ni Artes.
Una nang isinailalim simula Marso 1 hanggang 15, ang National Capital Region (NCR) at 38 pang lugar sa bansa sa Alert Level 1, ang pinakamababang COVID-19 risk classification.
Sa ilalim ng Alert Level 1, ang intrazonal at interzonal travel ay pinapayagan na anumang edad at mayroong comorbidities. Lahat ng establisimyento, mga indibidwal, o aktibidad, ay pinayagang na ring mag-operate, magtrabaho, o magkaroon ng full on-site o venue/seating capacity subalit dapat na ipinatutupad pa rin ang minimum public health standards.
Sa ngayon, ayon kay Artes, ang implementasyon ng full capacity sa mga public transport ay naging maayos. Aniya, ang mga pasahero ay mas disiplinado na at self-regulating na rin.
“Sa ngayon, maayos naman po yung pagpapatupad. Sa tingin naman po namin nadisiplina na yung mga tao at nagse-self-regulate din po,” ani Artes.