ni Mylene Alfonso | March 2, 2023
Umapela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa transport group na irekonsidera ang kanilang nakaplanong isang linggong protesta kasabay ng pagtiyak
na pag-aaralan pa rin ng pamahalaan ang public utility vehicle (PUV) Modernization Program.
“I’m hoping na dito sa mga initiatives na iniisip natin eh makumbinsi naman natin ang mga transport groups na huwag na muna mag-strike dahil kawawa talaga ang mga tao at marami pang naghihirap at mas lalo pang maghihirap ‘pag hindi makapasok sa trabaho,” pahayag ni Marcos sa isang panayam sa Rizal Park sa Maynila.
Inamin ni Marcos na bagama’t kailangan na ang modernisasyon ng mga PUV, hindi pa sapat ang pagpapatupad ng programa at magsasagawa pa ang gobyerno ng karagdagang pag-aaral tungkol sa nasabing isyu.
“Sa issue ng modernization, sa aking palagay, ay kailangan ding gawin talaga ‘yan. Ngunit sa pag-aaral ko, parang hindi naging maganda ang implementasyon nu’ng modernization program,” wika ng Pangulo.
“Tingnan natin. Siguro kaya nating kausapin ang mga transport groups at sabihin natin, “Hindi babaguhin talaga naming para hindi masyadong mabigat sa bulsa ng bawat isa”, ayon pa kay Marcos.
Iminungkahi din niya na siyasatin ang mga tradisyunal na PUV kung magagamit pa ito at nasa maayos na kondisyon sa kabila ng kanilang edad.
“Dapat ang puwedeng gawin ay ins-peksyunin ang mga vehicles. May mga luma naman na maganda pa rin, eh. May luma naman na pwede pang gamitin,”
sambit ng Pangulo.
“Just because five years old, or 10 years old, hindi na pwede. Tingnan natin ‘yung condition. Kung magandang mag-alaga ‘yung driver, maganda ‘yung jeep niya, pwede pang gamitin ‘yan, safe pa naman,” aniya pa.
Dagdag ni Marcos na ang modernization program ay kailangang ipatupad “sa ibang paraan,” dahil ito ang unang hakbang sa paglipat sa mga electric vehicles.
“So siguro we will eventually move there pero kailangan pa rin nating ayusin ang supply ng renewables kasi ang sinasabi ng mga nag-aaral kung talagang para sa
climate change ‘yan, kahit na mag-electric vehicle ka, magtsa-charge ka, ‘yung kuryente galing din sa coal-fired plant, ‘di ganoon din, walang nagbago. Nilipat mo lang ‘yung pollution nang kaunti so that’s an improvement but that’s not — doesn’t help climate change. That’s why kailangan pag-aralan natin ang timetable, hindi ganoon kasimple,” paliwanag ni Marcos.
“Ito’y nakita namin sa pag-uusap natin sa mga car manufacturers na sinasabi nila — kasi nag-e-encourage tayo ng electric vehicles. Sabi nila puwede tayong gumawa ng electric vehicles pero aayusin niyo muna ‘yung source of power. So ganoon ang mga issue diyan sa modernization na hinaharap ng mga ating public utility vehicles,” hirit ng Punong Ehekutibo.