ni Jenny Rose Albason @News | October 10, 2023
Umapela si Senador Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na suspendihin ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa gitna ng mga alegasyon ng mga katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB.)
Ayon kay Poe, chairman ng Senate Public Services Committee, dapat suspendihin ang PUVMP hangga't hindi nareresolba ang lahat ng isyu na nauugnay dito.
"We want to modernize our PUVs, but it should be one that is progressive, just and humane," ani Poe.
"Hindi na nga makausad nang maayos ang PUVMP dahil sa iba't ibang isyu, nabahiran pa ng korapsyon,"wika pa niya.
Giit pa ng senadora, dapat umanong panagutin ang ng mga nagkasalang opisyal partikular na sa napakakritikal na programa ng sektor ng transportasyon.
"Umaasa tayo na habang iniimbestigahan ang mga sangkot, inaayos din ang modernization program na magpapabuti sa kabuhayan ng mga drayber at magbibigay ng maayos na serbisyo sa mga commuter," pagtatapos ni Poe.
Kaugnay nito, sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III dahil sa mga ulat ng umano'y katiwalian sa loob ng nasabing ahensya.
Una nang ibinunyag ni Jeff Tumbado, dating head executive assistant ni Guadiz III ang sinasabing korapsyon sa loob ng ahensya kung saan umaabot umano hanggang sa Palasyo.
Ayon kay Tumbado, umabOt umano sa P5 milyon ang sinasabing 'lagayan' para makakuha ng pabor sa LTFRB kabilang umano ang "Ruta for Sale", "Special Permit for Sale" at "Modification of Route".