ni Mary Gutierrez Almirañez | March 21, 2021
Inaprubahan ni Pangulong Duterte ang mga bagong rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang mapigilan ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya, batay sa inilabas nilang Resolution No. 104, series of 2021 nitong Sabado, Marso 20.
Nakasaad dito na simula bukas, Marso 22, hanggang sa ika-4 ng Abril ay maipapatupad ang mga sumusunod sa ilalim ng bagong guidelines:
• Mananatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal
• Suspendihin ang non-essential travel, mass gathering at face-to-face meeting
• Limitahan sa 10 indibidwal ang mga bisita sa kasal, binyag at libing
• Ibalik ang work-from-home arrangement o limitahan sa 30% hanggang 50% capacity ang mga papapasuking empleyado
• Limitahan sa 50% ang nagda-dine-in sa restaurant, coffee shop at ibang establisimyento. Dapat ay mayroong acrylic o division ang bawat lamesa at upuan
• Isarado ang sinehan, driving school, video-interactive game arcades, libraries, archives, museums, cultural centers at ilang tourist spots maliban kung open area
• Ipagbawal ang pagsasabong ng manok
• Gawing unified ang curfew simula alas-10 nang gabi hanggang alas-5 nang madaling-araw
• Bawal lumabas ang 18-anyos pababa at ang 65-anyos pataas kabilang na ang mga may sakit o vulnerable, persons with disability (PWD) at mga buntis.
Bagama’t ang mga nabanggit ay kasalukuyan nang ipinapatupad ay may ilan pa ring establisimyento at indibidwal ang hindi sumusunod, lalo na sa curfew hours at pagsusuot ng face mask.
Patuloy ang hawahan sa magkakamag-anak at ang pagdami ng mga bagong variant ng COVID-19.
Kaugnay nito, makikipagkoordinasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa bawat local government unit (LGU) upang masiguradong naipapatupad ang health protocols sa mga lungsod at quarantine/isolation facilities.
Katuwang ang Barangay Health Emergency Response ay mamamahagi sila ng libreng face mask at face shield sa mga high risk na lugar.
Samantala, mananatili pa rin ang mga pampublikong transportasyon sa ilalim ng guidelines na ipinatupad ng Department of Transportation (DOTR).
Magtutulungan din ang Department of Trade Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang bantayan ang galaw ng industriya at kung naipapatupad ang health protocols sa trabaho.
Ang bawat nakasaad sa resolusyon ay pirmado nina DOH Secretary Francisco Duque III, IATF Co-Chairperson Karlo Nograles at OIC-Head of the Secretariat Atty. Charade Mercado-Grande.
Sa ilalim ng bagong guidelines ay inaasahang bababa ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 at masosolusyunan ang lumalaganap na pandemya sa bansa.