ni Gela Fernando @News | June 8, 2024
Nagpahayag ang samahan ng transportasyon na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) nitong Sabado na aabot sa 25k miyembro nila ang sasali sa 3-araw na protesta na gaganapin sa Lunes.
"'Eto po kasing NCR (National Capital Region) ang pinaka concentration ng protesta at tigil pasada. Dito pa lang po hindi na bababa ng 25,000," saad ni Manibela pres. Mar Valbuena. Dagdag ni Valbuena, Makati at Mandaluyong lang ang hindi maaapektuhang lugar sa NCR.
"Sa mga mahal naming mananakay, sana maunawaan ninyo na mahirap din eto. Hindi lang sa pagsakay ninyo, apektado yung kabuhayan din namin ng tatlong araw," mensahe ni Valbuena sa mga komyuter.
Nanawagan din siya sa kanyang mga miyembro na iwasan ang anumang gusot sa mga otoridad habang isinasagawa ang rally.