top of page
Search

ni Lolet Abania | March 25, 2022


Nabawasan na ang dami ng mga sasakyan na bumibiyahe sa EDSA, ang pinakaabalang kalsada sa Metro Manila, dahil sa sunud-sunod na matinding pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).


Sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes, sinabi ni MMDA director Neomi Recio na ang araw-araw na volume ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA ay bumaba ng 372,000 mula sa 396,000 bago ang pagtaas sa presyo ng langis.


“Nagkaroon ng effect ang mataas na presyo ng gas kaya hindi masyadong lumabas ang mga kababayan natin,” ani Recio.


Simula pa lang ng taon, nagtaas na ang presyo ng mga produktong petrolyo, na umabot sa 11 magkakasunod na linggo bago nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng isang big-time rollback ngayong linggo.


Ayon sa opisyal, nang isailalim sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) nitong umpisa ng buwan, ang araw-araw na dami ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA ay kulang pa rin at hindi naabot sa pre-COVID-19 pandemic level.


“Hindi pa rin natin narating ang pre-pandemic level, especially sa EDSA. Noong pre-pandemic ang volume natin diyan ang pinakamataas 405,000,” saad ni Recio.


Sa kabila ng mababang volume ng mga sasakyan sa EDSA, ayon sa MMDA pinag-aaralan naman nila ang pagkakaroon ng daylight saving time sa NCR.


Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang number coding sa kahabaan ng EDSA mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi, kung saan sinimulan ito noong Nobyembre 2021 dahil sa naranasang matinding trapiko sa lugar.


Gayunman, ayon kay Recio, tinanggihan na nila ang mga panawagan para sa pag-expand ng number coding scheme dahil aniya, hindi pa bumabalik sa pre-pandemic levels at ang volume ng mga sasakyan na bumibiyahe sa EDSA ay kakaunti lamang.


“Based on our data, this is not the right time na mag-expand tayo kasi based doon sa volume and sa travel time, travel speed na nakukuha ng travel engineering center ng MMDA, still manageable ‘yung traffic and hindi pa naman tayo bumabalik sa pre-pandemic na sitwasyon natin,” paliwanag pa ni Recio.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 18, 2021



Muling bumigat ang daloy ng trapiko sa mga kalsada sa National Capital Region, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).


Ito ay matapos ang pagluluwag ng mga panuntunan kontra COVID-19.


Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, nararamdaman ang pagbigat ng trapiko sa Kamaynilaan lalo kapag peak hours.


Gayunman, mananatili umanong suspendido ang coding sa mga sasakyan, maliban sa Makati City, dahil hindi pa rin normal ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan.


Unti-unti na ring bumabalik ang mga mamimili sa mga mall sa Metro Manila.


Kasabay nito, dagsa rin ang mga tao sa pagbubukas ng dolomite beach sa Manila Baywalk.


Nagpaalala naman ang OCTA Research Group na hindi dapat magpakakampante ang publiko dahil bagaman mataas na ang vaccination rate sa Metro Manila ay hindi pa tapos ang pandemya.


 
 

ni Lolet Abania | June 9, 2021




Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang problema at nararanasang matinding trapiko sa EDSA ay nalutas na. “Ang traffic sa EDSA maluwag na,” ani Pangulong Duterte sa isang interview ni Pastor Apollo Quiboloy sa SMNI News kagabi.


“But early on sa administration ko, it was a crisis. So, ang mga advise nina Tugade, ‘yung mga bright boys ko, sabi nila, manghiram tayo ng pera. We can maybe adopt an MRT or somewhere paakyat. Pero basta we need money,” saad ng Pangulo.


“Ito ngayon, sa taas, kita mo, ito na lang ang ibinuhos ko, ‘yung mga grant-grant, doon ko ibinuhos ‘yung pera. Ngayon, maluwag na ‘yung traffic ng Maynila. Talagang if you go to Cubao, airport, it’s about 15 minutes,” dagdag niya.


Ang pagkumpleto sa kabuuang 18-kilometer stretch ng Metro Manila Skyway Stage 3 project, kung saan nag-uugnay sa northern at southern portion ng Metro Manila, ang siyang nagpaluwag sa daloy ng trapiko sa EDSA at nagdulot ng kabawasan sa oras ng pagbibiyahe ng mga motorista sa loob ng end points nito mula sa nagsisiksikang populasyon sa metropolis.


Matatandaang inaprubahan ang proyekto noong September, 2013 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Aquino III. Inianunsiyo naman ng conglomerate San Miguel Corp., ang private developer ng proyekto, ang completion nito noong October, 2020, habang opisyal na binuksan ang skyway nitong January, 2021.


Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), matapos na buksan ang Metro Manila Skyway Stage 3, ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA ay naging maayos na.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page