ni V. Reyes | March 8, 2023
Tuluyan nang nakalusot sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na layong lumikha ng value-added tax (VAT) refund program para sa mga dayuhang turista.
Sa botong 304 na pabor, lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill (HB) No.7143, o ang “An Act creating a VAT refund mechanism for non-resident tourists, adding for the purpose a new section 109A to the National Internal Revenue Code, as amended”.
Apat sa mga mambabatas ang tumutol sa panukalang batas habang walang abstention.
Layon ng House Bill 7143 na magdagdag ng probisyon sa National Internal Revenue Code upang mabigyan ng VAT refund ang mga dayuhang turista na hindi residente ng bansa sa produktong kanyang binili mula sa mga accredited retailer.
Kailangang nabili ang produkto palabas ng bansa ay pasok pa ng 60-araw mula sa petsa nang binili ito.
Ang bawat transaction value ay hanggang P3,000 o maaaring mabago depende sa administrative cost ng refund, consumer index price, at iba pang kondisyon sa merkado na itatakda ng Department of Finance (DOF) alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Tourism (DOT) Secretary at Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner.
Partikular na makikinabang sa VAT refund program ay mga hindi residenteng dayuhan na passport holder o dual citizens na walang koneksyon sa ano mang negosyo sa bansa.