top of page
Search

ni Zel Fernandez | April 23, 2022



Ibinalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Abril 22, kahapon, na isang smart city ang itatayo ng Korea Land & Housing Corporation (LH) sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.


Pirmado na ng government-owned Clark Development Corporation (CDC) at Korea Land & Housing Corporation (LH) ang smart city memorandum of understanding (MOU), sa pangunguna ni CDC President Manuel Gaerlan sa Philippine delegation sa signing ceremony na sinaksihan nina Philippine Embassy Economic Officer and Third Secretary Reisha Olavario at Commercial Counselor Jose Ma. Dinsay noong Abril 15, sa Songdo International Business District sa Incheon province, 30 kilometers southwest ng Seoul, South Korea.


Batay sa pinirmahang MOU, ipinahayag na ang LH ay magtatayo ng smart city na konektado sa Clark International Airport, na kalaunan ay magiging isang logistics hub na mayroong imprastruktura para sa tourism, recreation, at aviation maintenance.


Ani Gaerlan, inaasahan niya ang “technology sharing” sa pamamagitan ng MOU, partikular ang Korea communications network na gagamitin ng LH Urban Development para sa K-Smart City Development.


Hiwalay ding nakaharap ni Philippine Ambassador to South Korea, Ma. Theresa de Vega, ang mga CDC officials upang talakayin ang planong Manila-Seoul cooperation projects at investment promotion sa Clark Freeport Zone, sa hinaharap.


Ayon sa DFA, ang makabagong smart city ay gagamit umano ng artificial intelligence at malaking data para maproseso nang real-time ang mga impormasyon na kokolektahin sa pamamagitan ng mga sensors, at gagamitin naman ng mga city operators para mag-analyze ng mga datos para sa mga plano sa hinaharap.


"The Smart City MOU is a leap forward in the Philippines' shift to the 4th Industrial Revolution and a testament to the Philippines and Korea's shared ideas on prosperity in the Asia Pacific and our increased economic cooperation," pahayag ng DFA.




 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 4, 2022



Isusulong ni senatorial aspirant at dating senador JV Ejercito ang motorcycle tourism sakaling manalo sa pagka-senador sa 2022 elections.


Sa isang pahayag, iginiit ni Ejercito ang kahalagahan ng motorcyclists sa pagpo-promote ng local tourism.


“Yung mga riders…we know the nice places, mga magagandang lugar, masasarap kainan, mga hidden treasures”, aniya.


“Pag pinopost natin, ishe-share, pag nakita ng tao, di lang ng mga rider, pati ng mga pamilya, pag dinala po nila, malaki po ang maitutulong niyan sa ating tourism”, dagdag niya.


Ayon pa kay Ejercito na isang motorcycle enthusiast at travel blogger, maaaring ma-trigger ng motorcycle tourism ang “multiplier effect” kung saan makatutulong ito sa mga local businesses at mga industriya.


“Yung multiplier effect niyan, malaki: yung magpapagasolina tayo, pupunta ng convenience store, kakain sa resto, magchecheck in, mamimili. Just look at the multiplier effect of tourism. Halos lahat ng negosyo gugulong at kikilos,” ani Ejercito.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 18, 2021



Unti-unti nang nararamdaman ang pagsigla ng turismo sa iba't ibang panig ng bansa matapos padapain ng COVID-19 pandemic simula noong nakaraan taon.


Pero wala pang mga turistang dayuhan dahil hindi pa pinapayagan ang mga turista galing sa labas ng bansa. Mga expat na turista pa lang ang puwede.


Gayunman, marami-rami na rin ang mga dumadayo sa beach at mga pasyalan na matagal nagsara simula nang magkapandemya.


Sa Anilao sa Mabini, Batangas, nasa 300 hanggang 400 lokal na turista ang dumarating na bagaman malayo sa dating 1,500 kada araw ay positibong indikasyon na umano na unti-unti nang dumarating ang kanilang mga kostumer.


“Hindi pa ganoon karami ang pumupunta. Marami naman kami nahihimok na taga-Maynila o taga-ibang bahagi ng Pilipinas upang subukan ang diving," sabi ni Mabini tourism officer Ian Bueno.


Para mas mapasigla ang turismo ng Mabini, inilunsad muli ng Department of Tourism at lokal na pamahalaan ang Anilao Underwater Shootout.


Higit 100 underwater photographer ang magpapagandahan sa mga retrato ng marine life sa karagatan ng Anilao.


Sa Boracay, inalis na ang RT-PCR test bilang requirement sa mga turistang fully vaccinated kaya dumarami na rin ang mga dumadayo dito.


Sa Dapitan City sa Zamboanga del Norte naman, binuksan na muli ang Rizal Shrine na higit isang taon ding isinara.


Nanunumbalik na rin ang kabuhayan ng mga taga-Dapitan ngayong marami na ulit ang turista. Kumikita na ang mga souvenir shop at photographer.


Samantala, dumarami na rin ang mga domestic at international flight kasabay ng pagdami ng mga pasahero sa iba't ibang airport terminal sa Maynila.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page