Dalawang detainee na positibo sa covid-19 at naka-isolate sa Delpan Quarantine Facility sa Maynila ang nakatakas.
Pero ayon kay Manila Police District Chief Police Brig. Gen. Rolando Miranda, ilang oras lamang ang lumipas ay agad ding naaresto ang mga ito.
Kinilala ang mga ito na sina Ceasar Adriatco, 25, nahaharap sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at Jerick Savallon, 19, may kasong child abuse.
Unang nagpositibo sa covid-19 rapid test ang dalawa kaya isinailalim sa RT PCRT test.
Doon nakumpirma na positibo sa covid-19 ang mga ito at noong Mayo 28 ay isinailalim sa confirmatory test ang dalawa matapos sumailalim sa 14 na araw na quarantine.
Pero kahit wala pa ang resulta, tumakas na ang dalawa mula sa quarantine facility.
Sa ngayon ay nagsasagawa na aniya sila ng imbestigasyon kung paanong nakatakas ang mga ito dahil may mga pulis namang nagbabantay sa bisinidad ng Delpan Quarantine Facility.
Dahil sa pangyayari, pinag-aaralan na nilang baguhin ang procedure para sa mga inmates na isinasailalim sa quarantine.
Kung noon ay hindi ipinoposas ang mga ito upang makakilos nang maayos habang nasa isolation room, ngayon ay itatrato na sila talaga bilang kriminal at hindi bilang covid patient.