Matatanggap na sa lalong madaling panahon ng pamilya ng mga healthcare workers na nasawi dahil sa covid-19 ang benepisyo para sa kanila mula sa pamahalaan.
Ayon kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire, ito ay matapos na malagdaan na ang joint administrative order ng Department of Health, Department of Labor and Employment at Department of Budget and Management kung saan nakasaad ang para sa pagbibigay ng benepisyo sa mga health workers na namatay o nasa kritikal na kondisyon dahil sa COVID-19.
Kabilang sa 32 health workers na nasawi dahil sa covid-19 ay 26 na doktor, 4 na nurse at 2 non medical staff.
Ani Vergeire, sa oras na makumpleto na ng pamilya ang mga kinakailangang dokumento ay agad itong ipoproseso ng DOH upang mai-release ang tseke para sa kanila.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, P1 milyon ang nakalaang benepisyo para sa mga public at private health workers na masasawi dahil sa covid-19 habang P100-K naman para sa health workers na magkakaroon ng severe covid-19 infection habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Kaugnay nito, binigyan lamang ng hanggang Martes ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya na ibigay na ang kompensasyon para sa mga nasabing healthcare workers.
Ito ang inilabas na direktiba ng Pangulo matapos malaman na wala pa ring healthcare workers ang nakatatanggap ng cash benefit ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.