Kumpiyansa ang Malacañang na makakabawi ang Pilipinas sa 17.7% na unemployment rate na naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa buwan ng Abril.
Bagama't ikinalungkot, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na nila ito ikinabigla dahil epekto ito ng economic shutdown noong isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Luzon.
Bunsod nito ang pagsasara ng karamihan sa mga negosyo at ang pananatili ng mga tao sa kanilang mga tahanan.
Kaya naman aniya ang administrasyon ay nag-implementa ng mga programa upang mapaabutan ng ayuda ang mga mamamayan habang umiiral ang ECQ.
Kabilang dito ang Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP) para sa displaced OFWs at Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE); Financial Subsidy for Rice Farmers (FSRF) ng Department of Agriculture (DA); at ang Small Business Wage Subsidy (SBWS) Program ng Department of Finance (DOF).
Aniya, ang National Economic and Development Authority (NEDA) ay bumuo na ng komprehensibong polisiya at mga istratehiya para sa production at tourism sector upang muling makabangon ang ekonomiya ng bansa at makapag-transition sa new normal.
Giit ni Roque na ang Pilipinas ay binubuo ng matatag at masisikap na mga mamamayan at sama-sama nating haharapin at lalampasan ang naturang health crisis.