Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa Pilipinas.
Alinsunod ito sa naging rekomendasyon ng DOH at sa naging suhestiyon ni Senador Christopher ‘Bong’ Go bilang chairman ng Senate Committee on Health makaraang makumpirma ang unang local transmission ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay DOH Sec. Duque, ito ay matapos nilang maberipika sa Bureau of Immigration na walang naging biyahe sa ibang bansa ang 62-anyos na ikalimang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bukod dito, nagpositibo na rin sa virus ang 59-anyos na asawa ng nasabing pasyente na unang nagkaroon ng ubo.
Nasa maayos na kalagayan naman at wala umanong sintomas ng COVID-19 ang iba pang miyembro ng pamilya ng mga ito, bagamat, mino-monitor din ang mga ito.
Kaugnay nito, naka-code red sublevel 1 na rin ang DOH. Paalala naman ni Dr. Rabindra Abesayinghe, WHO Country Representative, na panahon talaga ng flu ngayon kaya hindi rin dapat basta maalarma ang publiko.
Dahil sa local transmissiom, isa rin sa pinaghahandaan ng DOH ang posibilidad na kumalat ito sa mga komunidad.
Sakaling mangyari ito hindi mangingimi ang DOH na magdeklara ng community-level quarantine o lockdown sa isang lugar, magsuspinde ng trabaho o klase kung kakailanganin.
Samantala, batay sa huling tala ng DOH, nasa anim na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.