Nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa nila inirerekomenda ang suspensiyon ng mga klase sa kabila ng pagtaas sa Code Red Sublevel 1 Alert status sa bansa dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ginawa ni Duque ang pahayag kasunod ng suspensiyon ng klase ngayong araw hanggang bukas sa Navotas City at mga bayan ng Cainta at Taytay sa Rizal.
Gayunman, aminado ang kalihim na wala silang magagawa rito dahil saklaw ito ng local government code.
Paliwanag ni Duque, bagama’t naka-code red na ay sublevel 1 pa lang naman
ang sitwasyon ngayon.
Matatandaang, kasunod ng anunsiyo ng DOH na nagkaroon na ng local case ng COVID-19 sa bansa, nagdeklara si Navotas City Mayor Toby Tiangco ng suspensiyon ng klase sa kanilang lugar.
Nanawagan din si Tiangco sa Department of Education (DepEd) na ipasa na lamang ang mga estudyante at pagbakasyunin na ang mga ito at huwag nang ipatapos ang natitirang dalawa hanggang tatlong linggong pasok para sa kaligtasan ng mga ito.
Nilinaw ni Tiangco na walang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Matapos ang ilang oras ay nagsuspinde na rin si Cainta Mayor Keith Nieto ng klase sa kanilang lugar mula Lunes hanggang Martes matapos matukoy na mula sa kanilang lugar ang pasyente na positibo sa virus.
Ayon kay Nieto, layunin nitong mabigyan ng panahon ang gagawin nilang pagbabahay-bahay at pamamahagi ng mga face mask, sanitizer at vitamins sa mga residente at lahat ng estudyante sa Cainta para makasigurado na malakas ang resistensiya ng mga ito kontra sa virus.
Samantala, nagsuspinde rin ng klase si Taytay Mayor Joric Gacula, para maging handa ang mga residente kontra sa virus.
Inatasan din ng alkalde ang municipal health office na ipagpatuloy ang pag-monitor sa mga taong hinihinalang nahawa sa sakit.