Umakyat na sa 24 ang bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Ito ang kinumpirma ni Health Asec. Ma Rosario Vergeire matapos silang makatanggap ng report na may 10 pang pasyente na nagpositibo sa COVID-19.
Gayunman, sa ngayon ay wala pa aniya silang detalye hinggil sa profile ng bagong sampung kaso. Sa ngayon, nakakalat na aniya ang iba pang team ng epidemiology bureau ng DOH para mahanap ang mga posibleng nakasalamuha ng mga bagong kaso.
Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na nasa stable na kondisyon ang apat sa bagong COVID case na kanilang nauna nang iniulat kahapon.
Ang tinutukoy na ika-7 kaso ay 38-anyos na lalaking Taiwanese na may history umano ng contact sa isa pang Taiwanese na bumisita sa bansa at pagdating sa Taiwan ay nagpositibo sa COVID-19.
Ang ikapitong kaso ay wala umanong biyahe sa labas ng bansa. Ito ay naka-confine sa Makati Medical Center.
Ang ika-8 kaso naman ay 32-anyos na Pinoy at may travel history sa Japan sa nakalipas na 14 na araw. Naka-confine ito sa St. Luke’s Hospital sa BGC at residente ng Pasig.
Habang ang ika-9 na kaso ay 86-anyos na lalaking Amerikano na may pre-existing hypertension at travel history sa USA at South Korea. Ito ay naka-confine sa Medical City at residente ng Marikina.
Ang ika-10 kaso ay 57-anyos na Pinoy na walang biyahe sa labas ng bansa pero, sinasabing nagkaroon umano ng contact sa isang pasyente na positibo sa COVID-19. Ito ay nasa St. Luke’s Hospital sa Quezon City at residente rin ng
lungsod.
Samantala, inihayag ni Vergeire na bagamat, guarded ay stable naman ang kondisyon ngayon ng 62-anyos na unang naitalang local case ng COVID-19.
Matatandaan, na nitong weekend, una nang naiulat na nasa kritikal na sitwasyon ang nasabing pasyente.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas na ito ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay nilinaw naman ng DOH na hindi pa nila inirerekomenda ang pagpapatupad ng lockdown sa mga lugar na may COVID case.