Ikinakasa ng gobyerno ang “four-day work week” at “flexible work arrangement” para sa sektor ng manggagawa bilang tugon sa banta ng retrenchment at pagkalugi ng mga pagawaan at iba pang negosyo.
Ito ang inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles kung saan kanyang sinabi na kabilang sa kanilang pinag-uusapang solusyon ang posibleng pagpapatupad ng four-day work week bilang isa sa mga hakbang na kayang gawin para sa mga manggagawa sa gobyerno.
Aniya, kung kapakanan umano ng mga empleyado sa pribadong sektor ang pag-uusapan, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay naglabas kamakailan ng isang labor advisory na magre-regulate sa flexi-work arrangements.
Inilabas umano ang advisory ng DOLE, ayon kay Nograles, upang maiwasan ng mga may-ari ng negosyo ang pagbabawas ng empleyado at pagtatanggal ng manggagawa.
Ayon pa sa abogado, ito ay partikular na naaangkop din sa industriya ng turismo, na tinamaan nang husto ng COVID-19 outbreak.
Binigyang-diin ng dating mambabatas na hinihikayat ng gobyerno ang pribadong sektor na iwasan ang pagtanggal sa mga manggagawa bunsod ng pansamantalang epekto ng COVID-19 outbreak.