Ilang kongresista na unang bumotong pabor sa House Bill 6875 o Anti-Terrorism Act of 2020 ang umatras na sa kanilang pagpanig sa panukala.
Pinakahuling nagpatanggal ng kanyang pangalan sa botong "Yes" si Albay Rep. Joey Salceda at sa halip ay nag-abstain ito.
Nagkaroon din umano ng technical error sa pagpili ng "No" vote ay naisama sa "Yes" vote. Sa ngayon ay nasa 167 pabor, 36 tutol at 30 ang abstain sa tally ng mga boto para sa panukala mula sa dating 173, 31 at 29. Nananatiling kuwestyon pa kung ano ang paniniwala ng mahigit 60 kongresista na hindi bumoto.
Katwiran ni Salceda, may mga probisyon sa Anti-Terrorism Bill ang salungat sa ginagarantiya ng Saligang Batas patungkol sa karapatang pantao tulad ng warrantless detention na mula sa dating tatlong araw ay pinalawig ng 24 araw.
Naniniwala pa ang kongresista na makabubuting maisalang sa bicameral conference committee ang panukala upang maplantsa pa ng mga senador at kongresista ang ilang probisyon na inaalmahan ng taumbayan.
Ang bersyon na inaprubahan sa House of Representatives ay adopted o kopya lang ng napagtibay sa Senado. Dahil iisa lang ang bersyon na inaprubahan ay hindi na ito idinaan sa bicam at ang enrolled bill ng Senado ay diretsong pinalalagdaan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Mayroong 30 araw naman ang Presidente para aksyunan ang panukala at kung walang gagawin ang Punong Ehekutibo ay awtomatiko na itong magiging batas.
Gayunman, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hanggang kahapon ay hindi pa naipapadala ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang enrolled bill sa Palasyo.
Dahil dito, umapela si Albay Rep. Edcel Lagman kay Speaker Alan Peter Cayetano na huwag munang lumagda sa enrolled bill para magkaroon ng pagkakataon ang mga mambabatas na marepaso pa ito.