Nilinaw ng Malacañang na hindi maituturing na overreaction ang community quarantine sa Metro Manila upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, kasunod ng pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na overreaction ang pagbabawal sa mga biyahe papasok at palabas ng Metro Manila at hindi pa ito napapanahon kung ikokonsidera ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa at dahil sa magiging epekto nito sa ekonomiya.
Ayon kay Nograles, posibleng ang nasa isip ni Sotto ay ‘lockdown’ kaya niya nasabi ang pahayag na ito.
Ang connotation aniya kasi kapag sinabing lockdown ay wala nang papasok na cargo, limitado na ang food supplies at iba pa kaya nagpa-panic ang publiko.
Nilinaw ng kalihim na hindi lockdown ang ipatutupad sa Metro Manila kaya magtutuluy-tuloy lamang ang pagpasok ng goods at produkto rito.
Sa panig naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez, balanse aniya ang desisyong ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at kung tutuusin ay dapat mas istrikto pa ang mga ipatutupad na measures lalo at kalusugan ng mga Pilipino ang pinag-uusapan.