Dalawang milyong pisong pabuya ang ipagkakaloob ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makapagtuturo at mapatay ang matataas na lider ng New People's Army.
"'Pag nakapatay kayo ng commander o nakapagturo kayo kung saan natutulog 'yung commander o nakitulog, sabihin lang ninyo sa akin at P2 million, basta 'yung top commander,” sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang public address.
“P2 million kung sino makaturo sa Army o police. Kung commander na mabigat, may hati ka d'yan sa pera,” ani Pangulong Duterte.
Isasailalim naman aniya sa Witness Protection Program ang sinumang indibidwal na makatatanggap ng pabuya at ilalayo sa kanilang lugar para sa seguridad ng mga ito.
“Alisin kita sa lugar mo. Kung taga-Abra ka, ihatid kita sa Mindanao. Sa mga Ilocano, bigyan kita ng lupa. Kasi kung hindi, papatayin ka talaga,” wika ng Pangulo.
“You will have a new identity, like you are under the Witness Protection Program (WPP). It need not be under the WPP, but I will order that you will be treated [as someone] under WPP," ani Pangulong Duterte.
Ipinunto pa ng Punong Ehekutibo na hindi rin aniya dapat magpatayan sa land reform dahil maraming mga lupa na magagamit.
“Putris na NPA ito. Marami ang lupa. Sige ako ng land reform, bigay ng lupa. 'Di kailangan magpatayan sa land reform,” dagdag ng Pangulo.