Umusad na at inaprubahan sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 6732 o ang panukalang batas na layong mabigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN Corporation.
Sa ilalim ng House Bill 6732 na inihain ni Speaker Alan Peter Cayetano at ng iba pang mga kongresista, papayagan na makapag-operate ang ABS-CBN hanggang sa Oktubre 31, 2020.
Ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon ang Kamara na mahimay ang hiwalay pang mga panukalang batas na layong magawaran ng prangkisa ang ABS-CBN na may bisang 25 taon.
Sa kanyang sponsorship speech, muling binanatan ni Cayetano ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa pagpuwersa nito sa Kamara na aksyunan ang prangkisa ng ABS-CBN gayung may mga mahahalagang trabaho sila na kailangang tapusin lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
Una nang nangako ang NTC sa Kamara na bibigyan ng provisional authority ang ABS-CBN ngunit nang mapaso ang bisa ng prangkisa noong Mayo 4 ay nagpalabas ng cease and desist order ang komisyon.
"If only the NTC had said from the outset that they could not give the network a provisional authority to operate beyond the term of the franchise, then we would have not relied on their word," ani Cayetano.
"Their actions are not only an affront to the institution, it also delays the discussion and passage of crucial legislation that our people sorely need," dagdag nito.
Naniniwala pa si Cayetano na hindi dapat madaliin ang pag-apruba ng prangkisa ng ABS-CBN lalo na't maraming isyu ang ibinabato laban sa broadcast network.
"There will be no rush to judgement. Both the praise for and the charges against the network will be heard and will be put on public record," pahayag pa ni Cayetano.
"Whatever the outcome of these hearings will be, there will be reforms. There must be, not just a New, but a Better Normal. Not only for ABS-CBN, but for the entire media industry," ayon sa House Speaker.
Sakaling mapagtibay ngayon sa 2nd reading ay nakatakda na itong isalang sa 3rd at final reading na posibleng maikalendaryo sa sesyon sa susunod na linggo.
Kung tuluyang maaaprubahan sa Kamara ay iaakyat ang panukala sa Senado at kapag naipasa sa Mataas na Kapulungan ay idadaan pa rin sa pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte.