Nagrereklamo ngayon ang ilang indibidwal dahil sa pagsulputan ng mga pekeng account sa social media platform na Facebook.
Karamihan sa mga pekeng account ay walang profile picture at blangko ang detalye.
Agad namang ibinabahagi ito ng mga may lehitimong account upang mai-report na pag-abuso sa Facebook Philippines.
Samantala, nagpalabas din ng opisyal na pahayag ang University of the Philippines dahil sa ilang mga estudyante, opisyal at alumni nito ang mayroong pekeng Facebook accounts.
"We urge the members of the UP community to check their names and accounts and to make the proper report to the Data Protection Officer of Facebook,” ayon sa Facebook.
Tiniyak din nito na ang UP System Data Protection Officer ay nakipag-ugnayan na sa Philippine National Privacy Commission para matulungan ang mga mag-aaral na at alumni na isumbong ang mga peke o dummy account.
Ayon naman sa UP Office of the Student Regent, ang paglutang ng maraming blangko, pare-pareho at pekeng account na may pangalan ng mga estudyante ng UP ay kasunod ng mga protesta laban sa Anti-Terrorism Bill.
"We are encouraging students NOT to panic and instead help each other in reporting SUSPICIOUS accounts ONLY. We just need to stand together against possible tactics seeking to silence our voice," ayon sa UP Office of the Student Regent.
Paano isusumbong ang fake account?
Ayon sa Facebook, ang mga account o pages na peke ay paglabag sa kanilang Community Standards at hindi pinahihintulutan.
Upang maisumbong ang pag-abuso ay himukin ang mga kaibigan sa Facebook na hanapin ang pekeng account at i-click ang Report profile.
Mayroon namang kaukulang form ang Facebook para sa mga nais magsumbong na walang account pero may lumutang na mga peke o dummy.