ni Ryan Sison @Boses | August 22, 2024
Kailangang asikasuhin na ng lahat ng motorista ang kanilang mga radio frequency identification (RFID).
Pagmumultahin na kasi simula sa August 31 ang mga papasok sa mga expressway na walang RFID stickers o walang sapat na load balance nito.
Alinsunod ito sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001, na nilagdaan ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO) at Toll Regulatory Board (TRB) noong August 1, 2024.
Tinukoy ng nasabing memorandum na obligasyon ng mga motorista na mag-apply para sa electronic toll collection device gaya ng RFID tag at ilakip ito sa kanilang mga sasakyan, at tiyaking may sapat na balanse ang kanilang mga account para mabayaran ang toll fees.
Ang papasok sa isang tollway na walang RFID sticker ay pagmumultahin ng P1,000 para sa first offense, P2,000 para sa second offense, at P5,000 para sa mga susunod na offense.
Para sa mga motorista na mag-e-exit sa toll expressway na walang sapat na balanse para bayaran ang fees o ‘insufficient load’ ay pagmumultahin ng P500 para sa first offense, P1,000 para sa second offense, at P2,500 para sa mga susunod na paglabag.
Ang paggamit ng mga dinaya, tampered o pekeng RFID device at e-card sa pagpasok at paglabas sa toll expressway ay pagmumultahin ng P1,000 para sa first offense, P2,000 para sa second offense, P5,000 para sa mga susunod na paglabag.
Umaasa naman ang TRB na dahil dito ay mapapabuti ang daloy ng trapiko sa mga toll plaza, nang sa gayon ay makatulong sa mga motorista na makatipid sila sa oras, pera, at resources.
Sinabi rin ng TRB na ang mga walang RFID tag o sapat na load balance ay nasa 9 porsyento ng kabuuang bilang ng mga motorista na dumaraan sa mga tollway. Habang ang natitirang 91 porsyento ay mga sumusunod o compliant na mga motorista, at ‘kadalasang lubhang naaabala ng mga erring motorist’.
Panahon na rin siguro na magpataw ng penalty ang kinauukulan sa mga pasaway na motorista na hanggang ngayon ay hindi pa rin inaayos ang kanilang mga RFID.
Nagdudulot na kasi ng perhuwisyo sa iba na responsable naman at mayroong RFID stickers ang kanilang mga sasakyan, na siyempre may sapat na load balance, dahil sa inaabot ng matinding traffic sa mga toll gate.
Pero sa laki ng multa nito marahil, ang ilang mga makukulit na motorista ay matututo na ring sumunod at ayusin ang kanilang mga RFID dahil hindi nila gugustuhing paulit-ulit na magbayad ng penalty sa tuwing papasok at lalabas sa mga expressway.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com