ni Lolet Abania | August 1, 2021
Napatawad na ni Olympics gold medalist Hidilyn Diaz si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo matapos na maisangkot umano ng kalihim sa tinaguriang oust-Duterte plot matrix ang weightlifting champion.
“As a Catholic Christian, napatawad ko na po siya [Panelo]. At masasabi ko na lang na may rason kung bakit nangyari ‘yun. At ito naiuwi ko na po ang gold medal para sa Pilipinas,” ani Diaz sa isang radio show. Inamin ni Diaz na mula nang idawit siya umano sa oust-Duterte plot matrix, nakaranas siya ng hirap na makakuha ng pondo para sa kanyang trip sa 2020 Tokyo Olympics habang kinailangan niyang humingi ng donasyon mula sa private sector para suportahan sa kanyang laban.
Matatandaang noong 2019, ipinrisinta ng noon ay acting Palace spokesperson na si Panelo sa Malacañang media ang isang matrix sa sinasabing "oust-Duterte" plot, kung saan nakatala ang maraming pangalan kabilang dito ang kay Diaz.
Gayunman, nilinaw na umano ni Panelo ang pangalan ni Diaz, habang isinisi sa media ang nangyaring “faulty analysis” ng nasabing matrix. Sa isang television interview noong 2019, ayon kay Panelo, “When a principal gives you a document, it is assumed that it was done [with presumption of] regularity in performing official duty.” “I am sorry and I am sad to know na nasaktan si Hidilyn. I am sorry for that, kawawa naman. Hindi naman iyon ang intensiyon nu’ng mga gumawa ng matrix,” dagdag niya.