top of page
Search

ni Lolet Abania | October 6, 2021



Naghain na sina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III ngayong Miyerkules ng kanilang certificate of candidacy (COC) para sa pagka-pangulo at pagka-bise presidente para sa 2022 elections.


Pasado alas-11:00 ng umaga, naghain ang dalawang mambabatas ng kanilang COCs sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.


Si Lacson ay tatakbo sa ilalim ng Demokratikong Reporma Party (Reporma), kung saan itinalaga siyang chairman ng partido nitong Hulyo.


Tatakbo naman si Sotto sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC). Siya ang umupong chairman ng NPC. Sa pagharap nila sa media matapos na maghain ng COCs, nangako si Lacson na muli niyang ibabalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.


Isusulong niya ang pagkakaroon ng disciplined bureaucracy, nararapat at tamang paggastos sa national budget, at ang pagpapaunlad ng rural areas.


“Panahon na upang maipanumbalik ang dignidad at respeto sa sarili ng bawat Pilipino sa loob at labas ng ating bansa,” ani Lacson.


Sinabi naman ni Sotto na kapag nabigyan sila ng pagkakataon na humawak at maupo sa Executive department aniya, “We will execute well.” “We know the ills, we know the solution. Balance the budget, budget reform, bring the money to the people and enhance the fight against illegal drugs by more emphasis on demand reduction strategy,” sabi pa ni Sotto.


Samantala, kinumpirma ni Sotto na hindi sila nakabuo ng isang agreement kay Vice President Leni Robredo hinggil sa isang united opposition para sa 2022 elections.


 
 

ni Lolet Abania | March 15, 2021




Walang isasagawang plenary session sa Senado bukas, March 16, matapos na ilagay ni Senate President Vicente Sotto III ang chamber sa "complete lockdown" kasabay na ang mga miyembro ng bills at index office ay sumailalim sa quarantine.


Ito ang inanunsiyo ni Sotto sa mga kapwa senador sa kanilang plenary session ngayong Lunes, kung saan ang ikalawang team na nasa bills at index office ay nagsimula nang mag-quarantine ngayong araw, matapos na isa sa mga miyembro nito ay pumasok sa trabaho kahit na masama na ang pakiramdam.


Agad na dinala ang nasabing miyembro sa ospital at nagpositibo ito sa COVID-19. Isa pang grupo sa bills at index office ang naka-quarantine noon pang nakaraang linggo, kaya wala nang miyembro sa kanilang opisina ang natira para magtrabaho.


"So with that, we cannot do any amendments, any other bills can be taken up until the full sanitation is done at least tomorrow. There cannot be any sessions. We cannot do anything without the bills and index office," ani Sotto.


"We are declaring a lockdown tomorrow... The suggestion here is a complete lockdown of the Senate," dagdag nito. May dalawang committees na nakatakdang mag-hearing bukas, ani Sotto, at maaaring ituloy ang meeting subalit "walang sinuman ang dapat naroon sa Senado.” "The Senate will be in a complete lockdown tomorrow," ani pa ng Senate President.


Una nang inanunsiyo ni Sotto ngayong umaga ng Lunes na paiigsiin ang mga sesyon nang hanggang alas-6 ng gabi para makasunod ang mga empleyado ng Senado sa curfew na ipatutupad sa Metro Manila sa gitna ng biglang pagtaas ng COVID-19 cases.


Naglabas din ng advisory si Senate Secretary Myra Marie Villarica na ang executive lounge at ang canteen ng chamber ay pansamantalang isasara nang 14 araw simula ngayong Lunes matapos na tatlong empleyado ng in-house caterer ng chamber ay nagpositibo rin sa COVID-19, at pinayuhan niya ang lahat ng empleyado na magbaon na lamang ng pagkain habang sarado ang canteen.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page