ni Jasmin Joy Evangelista | February 9, 2022
Sumuko na sa mga awtoridad ang TikTok user na nag-post umano ng death threat laban kay presidential candidate Bongbong Marcos, ayon kay Marcos spokesperson Atty. Vic Rodriguez ngayong Miyerkules.
“As we speak, I was just on the phone this morning with Deputy Director [Vicente] De Guzman of the NBI, (National Bureau of Investigation) sumuko na sa kanila yung taong nagpost ng death threat na yan kahapon,” ani Rodriguez sa isang panayam.
“Ngayon aasikasuhin din namin at nang makilala yung taong yan at gaano kalalım at yung extent ng kanilang pananakot,” dagdag ni Rodriguez.
Kinumpirma naman ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin ang pagsuko ng naturang TikTok user.
Ayon kay Lavin, sumuko ang nasabing indibidwal noong Martes pero pinayagan ding umalis dahil walang legal na basehan ang nga awtoridad para ito ay i-hold sa kanilang kustodiya. “Babalik siya mamaya”, ani Lavin.
Matatandaang inihayag ng Marcos camp na mayroon umanong banta sa buhay ni BBM sa video app na TikTok.
Sa mensahe sa naturang TikTok post, nakasaad na: “WE ARE meeting everyday to plan for BBM’s assassination. Get ready.”