ni Thea Janica Teh | September 20, 2020
Naniniwala ang mga PBA players at coaches na malaki ang maiaambag ng pagpapatayo ng New Manila International Airport sa Bulacan upang mai-promote ang turismo ng sports sa bansa.
Una nang binigyan ng prangkisa ang San Miguel Corp. (SMC) unit, Miguel Aerocity Inc. sa pagpapatayo at pag-operate ng New Manila International Airport sa loob ng 50 taon maliban pa sa 10 taong pagpaplano ng disenyo at pagpapatayo. Ito ay may budget na P734 bilyon at itatayo sa Bulakan, Bulacan.
Ayon kay Jonas Villanueva na coach ng Bataan Risers sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) at residente ng Bocaue, Bulacan, malaki umano itong tulong sa industriya ng sports dahil malapit din ito sa Philippine Sports Arena na itinuturing na pinakamalaking sports venue sa bansa.
Dagdag pa ni Villanueva, maaari na umanong mag-host ang Pilipinas ng major local at international sporting events.
Si Billy Mamaril na player ng San Miguel Beer sa PBA ay natutuwa rin sa planong ito dahil aniya, “Having an airport in Central Luzon will boost all sectors. Sports and sports entertainment in general will be elevated because the ease of traveling by air will be easier.”
Sumang-ayon din dito ang coach ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok na si Chito Victolero dahil makatutulong umano ito sa pagtaas ng ekonomiya hindi lang ng Bulacan kundi ng buong bansa at maaari pang paglunsaran ng mga sports program at sports facility.
Bukod pa rito, inaasahan din na makapagbibigay ng trabaho ang airport sa milyun-milyong Pinoy pagdating sa pagpapatayo at sa mismong operasyon. Sa pagbubukas nito, maaari nitong ma-handle ang halos 100 milyong turista kada taon.