ni Jemuel C. Salterio @Talbog | Dec. 12, 2024
Bongga! Isa na namang Pinoy ang gumawa ng marka sa mundo ng musika.
Si Sofronio Vasquez, ang dating Tawag Ng Tanghalan (TNT) semi-finalist sa It’s Showtime (IS) ay ang kauna-unahang Pilipino at Asian na nanalo sa prestihiyosong The Voice USA matapos ang 26 seasons nito.
Ito ang journey ni Sofronio, mga Ka-BULGARians, from local stage to global spotlight. Bago siya naging ultimate bet ng Amerika, si Sofronio ay nakilala bilang ‘King of Versatility’ ng TNT.
Sa kabila ng kanyang paglalakbay sa mga lokal na singing contests gaya ng The Voice Philippines (TVP), hindi naging madali ang kanyang daan patungo sa tagumpay. Kung tutuusin, hindi pa nga siya umabot sa grand finals ng TNT noong 2019, semi-finals lang, mga Mars! (Kumusta naman kaya ang judging ng TNT kumpara sa The Voice USA judges, aber?).
Ganunpaman, pinatunayan niya na hindi hadlang ang pagkatalo para makamit ang pangarap.
Pinabilib ni Sofronio ang mga hurado ng TNT sa kanyang mala-butter na boses at pagiging game sa iba’t ibang genre — pop, R&B, jazz, rock, at standards. Dahil sa talento niyang ito, nagkaroon din siya ng sariling kanta, ang Bakit Hindi Ko Sinabi sa ilalim ng ABS-CBN Music.
Pero hindi ru'n natapos ang kuwento niya. Kumbaga, parang Phoenix na muling bumangon si Sofronio, at ngayon, hindi lang Pilipinas ang kanyang pinahanga kundi pati buong mundo.
Bigating mentor, bigating tagumpay ang drama ng ating kababayan.
Sa The Voice USA, naging mentor ni Sofronio ang international superstar na si Michael Bublé. Ani Bublé, “America, please lend your ears and vote to this man! He is the real deal. HE IS THE VOICE!”
At hindi nga binigo ni Sofronio ang kanyang coach at fans. Sa grand finals, binirit niya ang A Million Dreams mula sa The Greatest Showman (TGS) — isang performance na talagang humugot ng emosyon mula sa mga manonood.
Ang pagkapanalo ni Sofronio sa The Voice USA ay isang malaking tagumpay ng lahing Pilipino. Ngayong siya na ang Grand Winner ng The Voice USA, hindi lang si Sofronio ang panalo kundi ang buong sambayanang Pilipino. Isa siyang patunay na kahit saang bahagi ng mundo, ang talentong Pinoy ay walang kapantay.
Ang kanyang kuwento ay paalala sa atin na kahit ilang beses ka mang mabigo, hindi ito katapusan ng laban. Tulad ng kanyang boses na tila umaabot hanggang langit, ang kanyang pangarap ay lumipad din sa kabila ng mga pagsubok.
Isa lang ang masasabi natin — angat na angat ang Pilipinas dahil kay Sofronio Vasquez, ang boses ng bagong henerasyon at ng American dream. Pak!
Huge congratulations, Sofronio Vasquez!
Mabuhay ka. ‘Yun na! Ambooolancia! #ChairmanNgChikahan #MaritesInChief #Talbog