ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Dec. 4, 2024
Photo: Sue Ramirez at Dominic Roque - IG
Ayon sa isang psychic, posibleng mabuntis si Sue Ramirez sa 2025.
Bago pa umamin sa publiko si Sue sa estado ng relasyon nila ni Dominic Roque, nabanggit na ito ng card reader-psychic na si Jay Costura.
Naniniwala ang nasabing psychic na magkarelasyon nga sina Sue at Dominic. At kung hindi raw sila magiging maingat, posibleng mabuntis si Sue sa pagpasok ng taong 2025.
Dahil sa balitang ito, maraming netizens ang nagtatanong kung ano'ng katangian ang nakita o nagustuhan ni Dominic kay Sue? Maganda nga ito, pero hindi pa rin siya papantay sa karisma at level ni Bea Alonzo na ex-girlfriend ni Dominic.
Ganunpaman, marami ang humanga kay Sue dahil hindi niya pinanghinayangan na makawala si Javi Benitez na super-rich businessman-politician. Hindi siya nasilaw sa mga material na bagay lamang. At marahil, 'yun din ang hinangaan sa kanya ni Dominic Roque.
Well, posibleng si Sue ang itinakda para kay Dominic at hindi si Bea Alonzo.
Magaling na aktor si Dennis Trillo at nahasa na siya nang husto sa pag-arte sa loob ng maraming taon ng kanyang pagiging Kapuso artist. Lahat na ng klase ng roles ay kanyang nagampanan sa mga seryeng kanyang ginawa at nahubog ang kanyang kakayahan bilang aktor.
May lalim umarte si Dennis, kaya patuloy na pinagtitiwalaan ng GMA-7, lalo na sa ipinakita niyang husay sa pagganap sa Pulang Araw (PA) bilang isang opisyal na Hapones.
Puwede siyang bida/kontrabida at hindi namimili ng role. Kaya marami ang nagsasabing puwede na rin siyang magdirek ng serye. Panahon na rin upang mag-level-up siya sa kanyang propesyon.
Hindi na pagdududahan ang kanyang kakayahan sakaling mabigyan siya ng break ng GMA-7 na magdirek ng serye. Pagdating sa trabaho, napakapropesyonal at hardworking ni Dennis.
May request naman ang mga fans nila ni Jennylyn Mercado na sana ay magkasama sa isang serye ang power couple. Magiging madali ang kanilang pagtatrabaho dahil gamay nila ang isa’t isa.
Puwedeng rom-com ang kanilang gawin para maiba naman. Pareho silang seryosong dramatic stars, pero bagay din daw kay Dennis ang role na may pagka-comedy dahil ito ang ginagawa niya sa kanyang mga TikTok videos.
Pati nga ang anak nila ni Jennylyn na si Baby Dylan ay isinasama ni Dennis sa kanyang mga TikTok at napaka-cute nilang mag-ama.
KAKAIBA ang bagong reality show na mapapanood early next year sa GV Live App. Ito ang The Influencers Reality Challenge (TIRC). Dito ay puwedeng sumali ang lahat ng influencers — babae, lalaki at maging ang LGBT community.
Magpapa-audition ang GV Productions sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang makahanap ng 30 influencers na handang sumabak sa mga challenges na ibibigay sa kanila.
Ang TIRC ay mapapanood araw-araw sa loob ng 64 days. Malaki ang premyo na matatanggap ng mananalong Ultimate Influencer Champion tulad ng P3M cash prize, P3M worth of condo unit, isang artista van worth P3M, at 2-year contract sa GV Productions Inc. na ang Chief Executive Producer ay si Niño John Fariñas.
Ang mapipiling 30 contestants ng TIRC ay magsasama-sama sa iisang bahay lamang. Isang ancestral house sa Narvacan, Ilocos Sur ang titirhan ng mga contestants.
Tiyak na kaabang-abang ang TIRC na mapapanood din sa iba't ibang bansa. Naniniwala ang mga bumubuo ng Good Vibes Productions Inc. na ang TIRC ay isang game-changer at nababagay sa makabagong panahon. Milyun-milyong influencers sa buong mundo ang makaka-relate.
Isang sikat na celebrity at content creator ang magsisilbing host ng reality show at ang twist ng challenges—puwedeng humingi ng tulong sa viewers ang contestant upang magawa niya ang mga challenges na ibinigay sa kanya. Bongga!