ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 11, 2025
Photo: Alex Gonzaga - IG
Gustung-gusto na ni Alex Gonzaga na magka-baby na sila ni Mikee Morada. Pero nagkaroon siya ng miscarriage noong una siyang magbuntis, kaya labis niya itong dinamdam.
Inggit na inggit siya sa kanyang Ate Toni, na ngayon ay may dalawa nang anak.
Naging konsuwelo na lang ni Alex na hiramin at laruin ang mga pamangkin na sina Seve at Polly. Tuwang-tuwa si Alex kapag tinatawag siyang “Tata” ni Baby Polly, at natutuwa siya kapag kinukulit ang mga pamangkin.
Hindi nawawalan ng pag-asa si Alex sa pangarap niyang magkaroon ng sariling anak na aalagaan. Isang kaibigang psychic ang nagsabing malaki ang posibilidad na mabubuntis na ngayong 2025 si Alex. Pero dapat daw na dobleng ingat siya sa kanyang sarili kapag nagbuntis upang mabuo ang kanyang baby.
Ang una niyang pagbubuntis noon ay hindi natuloy dahil ayon sa nasabing psychic, may isang matandang lalaki daw ang nagbabantay kay Alex, kaya nagkaroon siya ng miscarriage.
Kaya ngayon ay nagpapalapit si Alex Gonzaga sa kaibigang psychic upang proteksiyunan siya sa kanyang muling pagbubuntis.
Extended hanggang January 14 ang pagpapalabas ng mga pelikulang kasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024.
Malaking bentahe ito para sa pelikulang Green Bones (GB) dahil marami ang gustong mapanood ang nasabing pelikula.
Patuloy na pinag-uusapan ang galing sa pag-arte nina Dennis Trillo at Ruru Madrid. Deserve raw ng dalawang Kapuso actors ang kanilang panalo bilang MMFF 2024 Best Actor at Best Supporting Actor via Green Bones na nanalong Best Picture.
Samantala, nagtataka naman ang ilang mga netizens kung bakit bina-bash at ginagawang isyu ang pagdo-donate ni Dennis ng cash prize niyang P100,000 para sa grupong tumutulong sa mga PDL (Persons Deprived of Liberty). Sincere at bukal naman sa loob ni Dennis ang kanyang ginawa, at maraming PDL ang matutulungan.
Matutupad ang mga munting kahilingan ng mga PDL para sa kani-kanilang sarili at sa mga mahal nila sa buhay. Ilan sa mga hinihingi ng mga PDL ay toiletries, damit, towel, o anumang regalo para sa kanilang mga anak at asawa.
Ang mga kahilingang ito ay kanilang isinusulat/isinasabit sa Tree of Hope. May mga taong namamahala sa pagbibigay ng kahilingan ng mga PDL.
Dapat ay matuwa tayo na may isang Dennis Trillo na may malasakit sa kanyang kapwa.
MARAMING viewers ang nagtatanong kung bakit pinatay agad ang characters nina Tina Paner at Cris Villanueva sa seryeng Mga Batang Riles (MBR). Halos kauumpisa pa lang ng MBR ay tsugi na agad sila? Sana man lang ay pinaabot kahit isang linggo ang exposure nina Tina at Cris sa MBR.
Dating magka-love team noon sa That’s Entertainment (TE) sina Tina at Cris at muli ngang nagkasama rito sa MBR.
May kani-kanyang kuwento ng buhay ang mga gumanap sa MBR, at sila ay pinagtagpo upang maging karamay ng bawat isa sa mga problemang kanilang haharapin.
Sa seryeng ito, nabigyan ng pagkakataon ang ilang Sparkle boys na ilabas ang kanilang talento sa pag-arte.
Bukod kina Miguel Tanfelix at Kokoy De Santos, kasama rin sa cast sina Bruce Roeland, Antonio Vinzon, at Raheel Bhyric. Sumailalim sila sa martial arts training kay Ronnie Ricketts.
Ang MBR ay mula sa direksiyon ni Richard Arellano. Ang mga dramatic scenes naman ay mula sa direksiyon ni Laurice Guillen.