ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 21, 2024
Photo: Mercy Sunot - Aegis Band
Ang labis na ipinagtataka ng kanyang kapatid na si Juliet Sunot ay kung bakit agad na namatay si Mercy isang araw lang matapos siyang maoperahan. May kapabayaan kayang nangyari sa panig ng mga doktor sa ospital?
Ang dahilan ng pagkamatay ng Aegis lead vocalist ay lung cancer.
Tumira si Mercy Sunot sa California, USA ng walong buwan upang magpagamot at sumailalim sa chemotherapy.
Single mom si Mercy at may dalawang anak na naiwan. May gagawing concert sa New Frontier Theater ang AEGIS bilang tribute sa yumaong lead vocalist.
Bago pumanaw si Mercy Sunot, naging guest pa siya ng Jukebox Queen na si Eva Eugenio sa isang show sa USA, kung saan kinanta niya ang mga big hit songs ng Aegis tulad ng Luha at Ibigay N’yo Na Ang Aming Christmas Bonus. Kaya marami ang nagulat sa biglaang pagkamatay ni Mercy Sunot.
Nangako pa naman siya sa kanyang mga anak na uuwi siya ng Pilipinas sa Disyembre upang magkasama-sama sila sa Pasko.
Nakilala ang Kapuso actress na si Rufa Mae Quinto (RMQ) sa kanyang karakter bilang jologs na komedyana. ‘Yun ang tumatak sa kanya, pati na rin ang paborito niyang linyang, “Go, go, go!”
Pero ngayon na nagma-mature na siya, gusto na rin ni RMQ na magbago ng imahe. Gusto niyang gumanap sa mga seryosong role sa telebisyon at pelikula, at willing siyang mag-undergo ng acting workshops upang ma-achieve ang pangarap niyang maging seryosong aktres at magtagal sa showbiz dahil passion niya ang umarte at mag-perform. Iiwanan na niya ang dati niyang image na “BOOBA!”.
Well, maganda ang desisyong ito ni RMQ, pero hindi iyon magiging madali para sa kanya. Dapat niyang seryosohin ang kanyang pagsalang sa acting workshop. Subukan niyang magpaturo/magpatulong sa magaling na acting coach na si Anne Villegas. Tapos, mag-guest siya sa isang episode ng Magpakailanman.
Pero, ang tanong, tanggapin kaya ng publiko ang isang seryosong Rufa Mae Quinto?
MAY pelikula na ang Kapuso couple na sina Mikee Quintos at Paul Salas. First time nilang magkakasama sa isang movie project na pinamagatang Sweet As Chocolate (SAC).
Sa Bohol kinunan ang kabuuan ng pelikula na idinirek ni Rado Peru. Ang tourist attraction na Chocolate Hills ang naging main location ng pelikula.
Ang SAC ay naka-schedule ipalabas sa Pebrero 2025.
May bago ring show si Mikee Quintos sa GMA Network, ang Lutong Bahay (LB) na araw-araw napapanood. Dito, nagge-guest sila ng iba’t ibang celebrities.
Bukod sa pagluluto, nakakapag-share rin ang mga guests ng iba't ibang aspeto ng kanilang buhay, at nakakapag-promote ng kanilang TV shows, concerts at pelikula.
Excited din si Mikee Quintos sa pagbabalik ng Sang’gre: The Encantadia Chronicles kung saan isa siya sa mga lead stars.
So far, going strong ang relasyon nila ni Paul. Suportado nila ang isa’t isa, at malaki ang ipinagbago ni Paul Salas nang dumating sa buhay niya si Mikee Quintos. Ine-enjoy nila ang panahon na lagi silang magkasama.