ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 25, 2024
Photo: Nadine Lustre at James Reid - Uninvited trailer, Instagram
Sobrang proud at excited si Nadine Lustre na nakatrabaho niya ang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa pelikulang Uninvited na produced ng Mentorque Productions. Magaling din ang direktor ng movie na si Dan Villegas.
Hindi lahat ng artista ay nagkakaroon ng chance na makasama ang isang award-winning actress na si Vilma Santos. At mas magiging challenge kay Nadine Lustre na pagbutihin ang pagganap sa kanyang role sa Uninvited.
Nakabuti kay Nadine na nakawala siya sa love team nila ni James Reid, nakakatanggap siya ng iba’t ibang klaseng roles at nakakatrabaho ang ibang aktor.
Okey din kay Nadine ang maging kontrabida at tumanggap ng offbeat role kahit na magalit pa sa kanya ang mga moviegoers.
Sa trailer pa lang ng Uninvited ay nagmarka ang eksena nila ni Aga Muhlach dahil walang pakundangan ang murahan nila. Tiyak na marami ang masa-shock.
Sabi naman ng mga netizens, mas lalawak ang acting career ni Nadine Lustre sa kanyang pagganap ng offbeat role.
Matatandaang naibalita noon na may colon cancer ang actress na si Deborah Sun, at kasalukuyang nag-a-undergo ng chemotherapy. Ganunpaman, hindi siya kakikitaan ng lungkot at depresyon. Nagagawa pa niyang mamasyal at dumalo sa ilang showbiz events.
Fighter sa buhay si Deborah, at naka-survive na sa maraming pagsubok na dumating sa kanyang buhay. Idinadaan daw niya sa dasal ang lahat at tuloy pa rin ang kanyang positive na pananaw.
Ipinagpapasalamat din ni Deborah na marami ang tumutulong sa kanya ngayon upang matustusan ang kanyang mga gamot at iba pang pangangailangan sa araw-araw.
Hindi siya pinababayaan ni Phillip Salvador na laging nangungumusta sa kanyang kalagayan. Si Maricel Soriano naman ay regular na tumutulong sa kanya dahil bukod sa cash ay may groceries at prutas na ipinadadala.
Ang King of Talk na si Boy Abunda ay pinadadalhan din si Deborah ng pambili ng kanyang mga gamot.
Abut-abot din ang pasasalamat ni Deborah Sun kay Ara Mina na pinatira siya nang libre sa kanyang townhouse sa Quezon City. Ten years nang nakatira si Deborah sa townhouse ni Ara na walang binabayarang renta.
Bukod sa mga kaibigan niyang artista, may mga non-showbiz friends si Deborah na tumutulong sa kanya ngayon. At suwerte siya na may mga kaibigan na dumaramay sa kanyang kalagayan.
MARAMING dapat ipagpasalamat sa buhay ang aktres na si Glenda Garcia. Hindi siya nababakante sa GMA Network at tuluy-tuloy ang kanyang mga projects.
Kasama si Glenda sa cast ng afternoon soap na Lilet Matias: Atty. At Law. Vibes sila ni Jo Berry at nag-e-enjoy sa kanilang role bilang mag-ina.
Good news din na extended ang Lilet Matias until next year, at marami pang celebrities ang nakatakdang mag-guest sa serye.
Nauna nang nag-guest sina Odette Khan, Gina Alajar at Bibeth Orteza. May kakaibang twist na magaganap sa kuwento ng Lilet Matias, kaya iyon ang dapat abangan.
Samantala, at the age of 55, feeling blessed na at complete na ang buhay ni Glenda Garcia. May anak siyang mabait, mapagmahal, at marespeto, hindi na niya hinahangad na magkaroon ng love life pa.
At ang tanging wish ni Glenda ngayong Pasko ay mas matatag na future para sa unico hijo niyang si Carlo.
Para sa kanya, ang kalusugan at magandang takbo ng kanyang career ang tangi niyang hiling.