ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 28, 2025
Photo: Rainier at Mark - IG
No offense meant kina Mark Herras, Rainier Castillo, at sa singer na si Jojo Mendrez, pero nagmumukhang circus at sarsuwela na ang kanilang mga drama na pinaggagagawa.
Mukhang cheap na tuloy tingnan ‘yung pagkaka-link ni Jojo sa dalawang StarStruck 1 winners na sina Mark at Rainier.
Puwede namang umingay ang ini-record na awitin ni Jojo sa tamang paraan ng promo, at hindi na kailangang ma-link pa siya kina Mark at Rainier, lalo na’t may sariling pamilya na rin ang dalawang aktor.
Kaya naman may nagtatanong kung gipit ba sa pera ngayon si Rainier kaya pumayag siyang maging escort ni Jojo sa mga lakad ng singer? At alam naman ng lahat na nauna si Mark kay Jojo, tapos pumasok pa sa eksena si Rainier. Hindi man lang inisip ni Rainier na dati silang magkaibigan ni Mark.
May panawagan tuloy sa GMA Network ang mga fans nila na bigyan ng projects ang dalawang aktor upang may pagkakitaan. Pareho namang magaling umarte sina Mark at Rainier at kilala pa rin ng marami dahil sa StarStruck.
NAG-VIRAL sa social media ang ginawang “Fairy Walk” sa tubig ni Anne Curtis nang magbakasyon siya sa Siquijor. Doon ay pinagkaguluhan ng lahat si Anne, na game namang bumati at nagpa-picture sa mga fans.
Nag-post si Anne ng kanyang mga kaganapan sa Siquijor. Maraming nagbigay sa kanya ng kung anu-anong amulets at souvenirs. May ritwal din na ginawa kay Anne ng ilang mga manggagamot/herbalists. Pinausukan pa siya at sinuob.
Well, dahil may imahe ang Siquijor na kinatatakutan dahil sa mga aswang, malaking boost sa kanilang turismo ang pagpunta rito ni Anne Curtis. Posibleng maakit din ang ibang turista na tuklasin ang ganda at misteryo ng lalawigan.
May serye palang ginagawa ngayon doon ang aktres at sumegue lang ito ng adventure.
Sino kaya ang susunod kay Anne Curtis at susubok sa challenge ng Siquijor?
MASAYANG-MASAYA ngayon ang mga fans ng Kapuso actress na si Andrea Torres dahil binigyan siya ng bagong project ng GMA Network.
Matagal-tagal din na walang serye si Andrea, puro guestings lang ang kanyang naging exposure sa GMA-7, at minsan ay sumasama sa mga regional events ng Kapuso.
Ngayon ay bibida nang muli si Andrea kasama si Benjamin Alves sa seryeng Akusada.
Dati nang nagkasama sa isang serye sina Andrea at Benjamin, kaya komportable na sila sa isa’t isa.
Matagal nang gumagawa ng seryoso at mature role si Andrea. Naging memorable para sa kanya ang seryeng Better Woman (BW) dahil na-in love siya sa kapareha niyang si Derek Ramsay.
Pagkatapos ng kanilang breakup, pareho silang nanahimik. Nanatiling single si Andrea at hanggang ngayon ay wala pang ipinakikilalang bagong karelasyon.
MAS kaabang-abang ngayon ang mga magaganap sa buhay ni Lolong (Ruru Madrid) sa kanyang pagkakapadpad sa Maynila. Makakaharap niya ang mas mabibigat na kalaban at may mga bagong karakter na susulpot.
Magkakaroon ng partisipasyon sa bagong kabanata ng Lolong sina Tessie Tomas at Rowell Santiago. At may isa pang malaking aktor ang babago sa buhay ni Lolong.
Ano na ang mangyayari kay Elsie at sa nanay ni Lolong?
Samantala, napakasalbahe ng role ni Jean Garcia bilang si Dona Banson. Tiyak na kasusuklaman siya ng mga viewers ng Lolong. Isa si Dona sa magpapahirap kay Ruru.
Pero, ang dating Lolong ay magiging pangil ng Maynila at maniningil sa mga taong nagpahirap sa kanya at mga mahal sa buhay.