ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 21, 2020
Galit na pinanood ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-viral na video ng pamamaril at pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac, ayon kay Senator Bong Go.
Sa video, makikitang nakaalitan ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca, 46, ang biktimang si Sonya Gregorio, 52 at ang 25-anyos nitong anak na si Frank Anthony dahil lamang sa paggamit umano ng homemade cannon at humantong sa pamamaril ng pulis na ikinasawi ng mag-ina.
Saad ni Go, "Galit din si Pangulo sa nangyari.” Samantala, una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi poprotektahan ni P-Duterte si Nuezca.
Aniya, "Iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin at parurusahan po natin ang pulis na iyan — no ifs, no buts. Magkakaroon po ng katarungan dahil nakita naman po natin ang ebidensiya ng pangyayari.
"Hindi po kinukunsinti ng Presidente ang mga gawaing mali.”
Samantala, nahaharap na sa kasong grave misconduct involving homicide si Nuezca.