ni Lolet Abania | January 17, 2022
Nasa tinatayang 510 health workers ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium o Tala Hospital sa Tala, Caloocan City, ang sumailalim sa home quarantine dahil sa COVID-19.
Ginawa ni Tala Hospital medical director Dr. Alfonso Famaran, Jr. ang anunsiyo isang araw matapos na makapag-record ang Department of Health (DOH) ng 37,154 bagong kaso ng COVID-19 nitong Enero 16, mas mababa ng kaunti sa naitalang record-high na 39,004 bagong COVID-19 cases naman noong Enero 15.
“We have 510 health workers under quarantine out of the 1,300 we have,” ani Famaran sa Laging Handa public briefing ngayong Lunes.
Gayunman, sinabi ni Famaran na ang DOH at ang PNP General Hospital ay nagpadala na sa kanila ng 229 dagdag na health workers para mapunan ang mga staff ng ospital sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases.
“We received augmentation for our health personnel and [so] our hospital operations remain unhampered,” sabi ni Famaran.
Batay sa guidelines ng DOH, ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ay isang COVID-19 referral hospital at dahil dito prayoridad ng ospital ang mga COVID-19 cases, kung saan mga pasyenteng severe o critical, o iyong may mga comorbidities, matatandang mayroon o walang comorbidities, at high-risk na mga buntis.
Ayon kay Famaran, sa kasalukuyan ang ospital ay gumagamot ng 297 COVID-19 patients, kung saan umookupa ng 53% ng kanilang COVID-19 bed capacity.
“It (getting infected with COVID-19) is really due to non-compliance of minimum public health standards. Mainly [lack of social distancing], and failing to wear face mask,” giit ni Famaran.
“We really have to strictly follow the minimum public health standards,” dagdag pa ng opisyal.
Gayunman, dahil sa sitwasyon ngayon, sinabi ni Famaran na magandang development ang pinaiksing quarantine na hanggang limang araw na lamang para sa mga fully vaccinated health workers na infected o na-expose sa COVID-19.
“That shortened quarantine is a big help for us since it allows us to have our health workers at an earlier date,” sabi pa ni Famaran.