ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 1, 2021
Nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tinatayang aabot sa 150 tons ng fossilized giant clam shells o mas kilala sa tawag na taklobo na nagkakahalagang P250 million sa Sofronio Espaniola, Palawan.
Ayon sa PCG, nakumpiska nila ang mga naturang taklobo sa King’s Paradise Island Resort, Barangay Panitian noong June 28.
Naaresto ng awtoridad ang suspek na si Eulogio Josos Togonon sa isinagawang operasyon ng ahensiya sa tulong ng Intelligence Group – Palawan, PCG Station Brooke’s Point, DF-332, Naval Intelligence and Security Group - West, PCSD, and PNP - Maritime Group.
Kinilala naman ng PCG ang iba pang suspek na sina Totong Josos, Nonoy Guliman, at Vilmor Pajardo na mga residente ng Barangay Iraray.
Samantala, nasa kustodiya na ng Barangay Panitian ang mga nakumpiskang taklobo at dinala naman sa Palawan Council for Sustainable Development ang suspek para sa inquest proceedings at upang harapin ang kasong paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9147 o ang "Wildlife Resources Conservation and Protection Act".