ni Thea Janica Teh | January 5, 2021
Naglaan na ng kabuuang P1 bilyon ang lokal na pamahalaan ng Taguig para sa COVID-19 vaccination ng kanilang mga residente.
Inanunsiyo noong Disyembre 23, 2020 ng Department of Budget and Management na naaprubahan ang P13.5 bilyong budget para sa pandemic recovery plan kung saan kasama ang mass testing, treatment at vaccination ngayong 2021.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, ang lahat ng residente ng Taguig ay makatatanggap ng COVID-19 vaccine nang libre. Naghahanda na rin umano ang lokal na pamahalaan ng Taguig para sa pagbili at distribusyon kapag naaprubahan na ng bansa ang vaccine.
Aniya, "We are working closely with the national government. We want to assure all Taguigeños na mayroon tayong vaccination delivery plan at pagkatapos ng allotment ng national government, we are working hard, diretso pa sa ibang suppliers ng mga vaccine na bukod po sa ipo-provide ng national government."
"We will set aside money po para makasigurado na meron tayong vaccination plan at puwedeng mabakunahan ang lahat ng Taguigeño nang libre," dagdag ni Cayetano.
Bukod pa rito, nakikipag-usap na rin sila sa ilang suppliers ng vaccine at sakop umano ng programang ito ang 28 barangay.
Samantala, mayroon namang karagdagang tulong na ibibigay para sa mga senior citizens dahil kabilang ang mga ito sa vulnerable individual ngayong pandemya.
Pinaalalahanan naman ni Cayetano ang kanilang mga residente na panatilihin ang pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at pagsasagawa ng social distancing kahit na malapit nang magkaroon ng vaccine.