ni Mylene Alfonso @News | July 22, 2023
Naglabas ang Taguig City ng pahayag na malugod umano nilang tinatanggap ang pag-unawa ng Makati-LGU sa pinal na desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng paglilipat sa hurisdiksyon ng mga pinagdesisyunang lugar.
Ito umano ang magiging daan para sa isang maayos na paglipat, na maiiwasan ang pagkawala ng serbisyo-publiko.
Binigyang-diin ng Taguig na handa silang maging responsable sa pamamahala ng 10 barangay na may parehong dedikasyon at malasakit na ipinamalas nito sa kanyang 28 na barangay.
Inilunsad din nito ang paglikha ng isang joint transition team na magko-coordinate sa mga ahensya ng pamahalaan at lahat ng mga stakeholder para sa mabilis na paglipat ng administrasyon.
Binigyang-diin na ang layunin dapat ay ang kapakanan ng mga residente.
Matatandaang bago pa ang pinakahuling resolusyon na inilabas noong Hunyo 2023, tinanggihan na ng Korte Suprema noong Setyembre 2022 ang unang mosyon ng Makati na humihingi ng reconsideration sa desisyong ginawa noong 2021 na nagpapahayag na
bahagi ng teritoryo ng Taguig City ang Fort Bonifacio Military Reservation, na
kinabibilangan ng parcels 3 at 4, Psu-2031, kasama ang pinagtatalunang 10 barangay, sa
pamamagitan ng legal na karapatan at historikal na titulo.