ni Mylene Alfonso @News | August 24, 2023
Isa ang innovative education program ng Taguig City sa pakikinabangan ng mga estudyante ng EMBO Barangays na parte na rin ng lungsod.
Ayon kay JV Arcena, assistant secretary for special concerns and international press secretariat, kumpara sa Makati City na nag-aalok ng scholarship sa Top 10% lamang ng kanilang estudyante, sa Taguig City ay nag-aalok ng oportunidad sa lahat ng estudyante at hindi hadlang kung anuman ang kanilang academic achievements.
Ang tinutukoy na programa ay ang alok na “flexible” scholarship kung saan nagbibigay ang Taguig LGU ng financial assistance sa mga estudyante na mula P15,000 hanggang P110,000 kada taon, depende sa nais na scholarship ng estudyante.
Isa sa nakinabang sa scholarship ng Taguig ang De La Salle University student na si Briann Sophia Reyes.
Bukod sa libreng uniform at school supplies, nakatatangap pa umano siya ng cash incentive at allowance habang nag-aaral noon sa Cayetano Science High School at ngayong nag-aaral na siya sa DLSU ay patuloy pa rin siyang nakakatanggap ng scholarship allowance mula sa Taguig.
Nilinaw din nito na ang scholarship ng Taguig ay hindi lamang para sa mga nasa Top rank sa klase kundi para sa lahat at walang pinipili.