ni Gina Pleñago @News | September 26, 2023
Matapos ang ilang linggong pagsasalin ng hurisdiksyon ng mga health facilities sa 10 EMBO barangays na isinasagawa ng Department of Health (DOH) at ng kasunduang iayos ang petsa ng pag-transfer sa Oktubre 1, 2023 ay muli umanong sinimulan ng
Makati City ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Namahagi umano ang Makati ng isang press release na may pamagat na “Taguig’s ‘unreasonable’ rejection of Makati proposals impedes smooth transfer of city-owned health facilities, services – City Administrator”.
Pumalag ang Taguig LGU at sinabing ito ay nakakahiyang mga paglabag ng kasunduan sa DOH para sa Makati at Taguig na hindi dapat pinag-uusapan ang pagmamay-ari sa lupa at mga gusali habang nagpapatuloy ang pagtalakay sa transition upang hindi madiskaril ang pangunahing pakay ng isang maayos na pagsasalin ng hurisdiksyon mula sa Makati patungong Taguig.
Kung sinsero umano ang Makati ay tinanggihan na nito ang apela ng DOH na isantabi ang isyu sa ownership ngayong panahon ng transition.
Kaugnay naman sa Ospital ng Makati, binigyang diin sa press release nito na hindi kailanman tinanggihan ni City Mayor Lani Cayetano ang anumang mungkahi mula sa
Makati ngunit naipagpaliban lamang ito nang sabihin ni Health Secretary Teodoro Herbosa, na ang DOH Regional Director ang mangunguna sa alinmang talakayan
patungkol sa OsMak.
Bilang paglilinaw, sinabi ng Taguig na siya ang may nakakataas na legal na pag-aangkin sa pagmamay-ari ng lupa at mga pagbabago rito dahil ang Makati ay walang titulo sa mga lote at hindi ipinakita sa publiko ang mga titulo na sumuporta sa kanyang inaangkin.