ni Madel Moratillo | March 16, 2023
Nagsagawa ng monitoring ngayon ang Department of Agriculture (DA) sa galaw ng presyo ng bigas sa mga pamilihan sa National Capital Region.
Kasunod ito ng ulat na nagsisimula na umanong tumaas ang presyo ng bigas sa NCR.
Ayon sa mga nagtitinda ng bigas, pagpasok ng Marso ay nagsimula nang tumaas sa piso hanggang kwatro pesos ang presyo ng bigas depende sa klase.
Itinuturo naman ng Federation of Free Farmers na dahilan ang mataas na presyo ng fertilizer na nagsimula noong nakaraang taon.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez, sa kanilang monitoring umaabot na sa 22 pesos ang kilo ng palay ngayon.
Mas mataas ito kaysa noong nakaraang taon.
Tiniyak ng DA ang patuloy na pamamahagi ng subsidiya sa mga magsasaka ng bigas.
Samantala, maliban sa bigas, binabantayan din umano ng DA ang presyo ng isda na siguradong tataas ngayong Semana Santa.
Pero tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na may sapat na suplay ng isda sa bansa.