top of page
Search

ni Jeff Tumbado | May 9, 2023




Ilang mga produktong agrikultura gaya ng mga gulay at sibuyas ang tumaas ang presyo ng bentahan sa mga pampublikong pamilihan sa Quezon City.


Nabatid sa isang consumer group, nasa P160 hanggang P180 na ang presyo ng sibuyas kada kilo noong mga nakaraang buwan na nasa P120 lamang.


Hindi pa masabi ng ilang mga nagtitinda sa palengke ng Nepa QMart ang rason ng pagtaas sa presyo ng sibuyas, pero ang nakikita nilang rason ang kakulangan ng supply ng imported na sibuyas.


Mga lokal na sibuyas lamang ang nakikitang marami ang supply.


Problema naman ng ilan sa lokal na sibuyas, marami ang mga bulok sa deliveries. Kaya para makabawi, tinataas nila ang presyo.


Samantala, nasa P10 hanggang P20 kada kilo ang itinaas sa presyo ng ilang mga pangunahing gulay.


Sa mga gulay Tagalog naman may nasa P15 kada kilo ang itinaas.


 
 

ni Jeff Tumbado | April 27, 2023




Dahil sa nararanasang tindi ng init ng panahon, nakaambang magtaas sa singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) sa Mayo.


Hahataw ang konsumo sa kuryente sa buong bansa bunsod ng panahon ng tag-init na dahilan para sumipa nang todo ang presyo ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM).


Ang WESM ay mistulang palengke na binibilhan ng kuryente ng mga kooperatiba o utility gaya ng Meralco.


Higit P1 ang itinaas sa presyo ngayong Abril kumpara noong Marso sa Luzon.


"We attribute it to the na-experience natin na parang heat wave, 'yung na-experience natin in the last two weeks, d'yan humahataw ang mga cooling system sa Pilipinas," ani Independent Electricity Market Operator of the Philippines spokesperson Isidro Cacho.


Batay sa projections, lalo pang titindi ang konsumo sa kuryente dahil Mayo pa ang inaasahang peak demand, kaya puwedeng manatiling mahal ang kuryente sa spot market hanggang sa mga susunod na buwan.


Noong nakaraang buwan, nasa 32 porsyento ng supply ng Meralco ang binili sa WESM kaya kung malaking supply ang galing sa merkado, mararamdaman ito sa bill ng mga konsyumer.


 
 

ni Mylene Alfonso | April 12, 2023




Ipinagpaliban ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pagpapatupad sa pagtaas ng pamasahe para sa Light Rail Transit (LRT) lines 1 at 2.


Ito ang inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) makaraang aprubahan ng ahensya ang fare hike sa LRT 1 at 2.


Base aniya sa direktiba ni Pangulong Marcos, pag-aralan muna ang magiging epekto sa mga pasahero bago ipatupad ang taas-pasahe.


“In compliance with the President’s instruction, we will thoroughly study how a fare hike today will impact on passengers of our three rail lines in Metro Manila,” pahayag ni

Bautista sa press briefing sa Malacañang matapos ang isinagawang pulong kasama ang

Pangulo at ibang miyembro ng gabinete.


Sinabi ni Bautista na magtataas sana ng boarding fee ng P2.29 at 21 centavos para sa bawat kilometro ang inaprubahang rate.


Bukod dito, ipinagpaliban din aniya ang petisyon sa pagtaas ng pamasahe para sa MRT-3 dahil hindi umano nakasunod sa mga requirements at procedure.


Idinagdag ni Bautista na gagamitin sana ang malilikom na pondo para sa technical capability, services at facilities ang dalawang linya ng tren.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page