top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | September 16, 2023




Nakaamba na naman ang panibagong kalbaryo ng mga motorista at transport groups dahil sa napipintong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.


Batay sa pagtaya ng Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau, posibleng madagdagan ng P1.15-1.35 per liter ang dagdag sa presyo ng gasoline, P1.80-P2.00 per liter sa diesel at P1.70- P1.90 sa kerosene.


Ayon kay Rodela Romero, assistant director ng ahensya, ang napipintong oil increase ay dahil sa extension ng Saudi Arabia at Russia sa kanilang supply cut, gayundin sa supply ng Libya dahil sa matinding pagbaha sa nabanggit na bansa.


Kapag aniya tumaas ang presyo ng langis sa world market, walang magagawa dahil hindi kontrolado ng gobyerno ang presyuhan sa langis.


Kapag natuloy, ito na ang ika-11 straight week na pagtaas ng produktong petrolyo ngayong taon.




 
 

ni Mai Ancheta @News | August 15, 2023




Bigo ang transport group na mapagbigyan sa hirit na dagdag-pisong rush hour rate upang makatulong kahit papaano sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.


Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chief Teofilo Guadiz III, mataas ang pisong hirit na dagdag-pasahe tuwing rush hour.


Mabigat aniya para sa mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney ang pisong dagdag sa pamasahe.


"I think it's too high even one peso for me is a little bit too high. Masyadong masakit sa bulsa

ng mga mananakay," ani Guadiz.


Matatandaang naghain ng petisyon ang ilang transport group para sa dagdag-pisong singil tuwing rush hours upang hindi umano malugi ang mga pampublikong tsuper sa matinding trapik.


Batay sa petisyon, ang paniningil ng surge charge ay mula 4:00am-8:00am; at 5:00pm hanggang 8:00 pm.


Sinabi ni Guadiz na wala ng bisa ang petisyon dahil naghain ng panibagong petisyon ang transport groups para sa dagdag-P2 sa pasahe.


Nakatakdang dinggin ng LTFRB sa susunod na linggo ang panibagong petisyon ng transport groups para sa hirit na dalawang pisong dagdag-pasahe .




 
 

ni Mai Ancheta @News | August 12, 2023




Humingi ng dagdag na P2 sa pamasahe sa jeep ang apat na transport groups upang makabawi sa mataas na presyo sa produktong petrolyo.


Naghain ng petisyon nitong Biyernes ng umaga sa tanggapan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III ang mga grupong Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, FEJODAP, PISTON, at Stop and Go Movement upang payagan silang magdagdag ng P2 singil sa pamasahe sa unang apat na kilometro ng biyahe.


Ayon kay LTOP President Orlando Marquez, hindi na nila kayang balikatin ang sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na umabot na aniya ng P10 ang itinaas kada litro simula noong Hulyo.


Tumaas din umano nang sobra-sobra ang presyo ng piyesa ng mga sasakyan na dagdag-pahirap sa mga tsuper at operators


Humiling ng pang-unawa si Marquez sa mga pasahero dahil nahihirapan na sila sa walang tigil na pagtaas sa presyo ng petrolyo at halos kakarampot na lamang ang naiuuwing kita sa kanilang pamilya.


Kapag maaprubahan ang petisyon ng public transport groups, magiging P14 na ang minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P12.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page